Mazmur - Pasal 105 Pasal. 105 - Mazmur

bandingkan terjemahan

[1]  Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.

[2]  Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.

[3]  Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.

[4]  Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.

[5]  Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;

[6]  Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.

[7]  Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.

[8]  Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;

[9]  Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;

[10]  At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:

[11]  Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;

[12]  Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;

[13]  At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.

[14]  Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;

[15]  Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.

[16]  At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.

[17]  Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:

[18]  Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:

[19]  Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.

[20]  Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.

[21]  Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:

[22]  Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.

[23]  Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.

[24]  At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.

[25]  Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.

[26]  Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang.

[27]  Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham.

[28]  Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.

[29]  Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda.

[30]  Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari.

[31]  Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.

[32]  Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain.

[33]  Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.

[34]  Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao'y walang bilang,

[35]  At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa.

[36]  Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan.

[37]  At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.

[38]  Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.

[39]  Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi,

[40]  Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkain na mula sa langit.

[41]  Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.

[42]  Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod.

[43]  At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan.

[44]  At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:

[45]  Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon.