Amsal - Pasal 3 Pasal. 3 - Amsal

bandingkan terjemahan

[1]  Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang aking mga utos:

[2]  Sapagka't karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo.

[3]  Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso:

[4]  Sa gayo'y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan, sa paningin ng Dios at ng tao.

[5]  Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan:

[6]  Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.

[7]  Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon, at humiwalay ka sa kasamaan:

[8]  Magiging kagalingan sa iyong pusod, at utak sa iyong mga buto.

[9]  Parangalin mo ang Panginoon ng iyong tinatangkilik, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani:

[10]  Sa gayo'y mapupuno ang iyong mga kamalig ng sagana, at ang iyong mga alilisan ay aapawan ng bagong alak.

[11]  Anak ko, huwag mong hamakin ang parusa ng Panginoon; ni mayamot man sa kaniyang saway:

[12]  Sapagka't sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran.

[13]  Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.

[14]  Sapagka't ang kalakal niya ay maigi kay sa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kay sa dalisay na ginto.

[15]  Mahalaga nga kay sa mga rubi; at wala sa mga bagay na mananasa mo sa maihahalintulad sa kaniya,

[16]  Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya, sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan.

[17]  Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at lahat niyang mga landas ay kapayapaan.

[18]  Siya ay punong kahoy ng buhay sa mga nanghahawak sa kaniya: at mapalad ang bawa't isa na nangamamalagi sa kaniya.

[19]  Nilikha ng Panginoon ang lupa sa pamamagitan ng karunungan; itinatag niya ang langit sa pamamagitan ng kaunawaan.

[20]  Sa kaniyang kaalaman ay nabahagi ang mga kalaliman, at ang mga alapaap ay nagsipatak ng hamog.

[21]  Anak ko, huwag silang mangahiwalay sa iyong mga mata; ingatan mo ang magaling na karunungan at ang kabaitan;

[22]  Sa gayo'y magiging buhay sila sa iyong kaluluwa, at biyaya sa iyong leeg.

[23]  Kung magkagayo'y lalakad ka ng iyong lakad na tiwasay, at ang iyong paa ay hindi matitisod.

[24]  Pagka ikaw ay nahihiga, hindi ka matatakot: Oo, ikaw ay mahihiga at ang iyong tulog ay magiging mahimbing.

[25]  Huwag kang matakot ng biglang pagkatakot, ni sa pagkabuwal man ng masama, pagka dumarating:

[26]  Sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong pagtitiwala, at iingatan ang iyong paa sa pagkahuli.

[27]  Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito'y gawin.

[28]  Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa, Yumaon ka, at bumalik uli, at bukas ay magbibigay ako; pagka ikaw ay mayroon.

[29]  Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo.

[30]  Huwag kang makipagusapin sa kanino man ng walang kadahilanan, kung hindi siya gumawa ng kasamaan sa iyo.

[31]  Huwag kang managhili sa taong marahas, at huwag kang pumili ng anoman sa kaniyang mga lakad.

[32]  Sapagka't ang suwail ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang kaniyang payo ay kasama ng matuwid.

[33]  Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama; nguni't pinagpapala niya ang tahanan ng matuwid.

[34]  Tunay na kaniyang dinuduwahagi ang mga mangduduwahagi, nguni't binibigyan niya ng biyaya ang mababa.

[35]  Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian; nguni't kahihiyan ay magiging ganti sa mga mangmang.