[1] Kung paano ang niebe sa taginit, at kung paano ang ulan sa pagaani, gayon ang karangalan ay hindi nababagay sa mangmang.
[2] Kung paano ang maya sa kaniyang paggagala, kung paano ang langaylangayan sa kaniyang paglipad, gayon ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi tumatalab.
[3] Ang paghagupit ay sa kabayo, ang paningkaw ay sa asno, at ang pamalo ay sa likod ng mga mangmang.
[4] Huwag mong sagutin ang mangmang ng ayon sa kaniyang kamangmangan, baka ikaw man ay maging gaya rin niya.
[5] Sagutin mo ang mangmang ayon sa kaniyang kamangmangan, baka siya'y maging pantas sa ganang kaniya.
[6] Siyang nagsusugo ng pasugo sa pamamagitan ng kamay ng mangmang naghihiwalay ng kaniyang mga paa, at umiinom sa kasiraan.
[7] Ang mga hita ng pilay ay nabibitin: gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
[8] Kung paano ang isa'y nagbabalot ng isang bato sa isang lambanog, gayon ang nagbibigay ng karangalan sa mangmang.
[9] Kung paano ang tinik na tumutusok sa kamay ng lango, gayon ang talinghaga sa bibig ng mga mangmang.
[10] Kung paano ang mamamana sumusugat sa lahat, gayon ang umupa sa mangmang at umuupa sa pagayongayon.
[11] Kung paano ang aso na bumabalik sa kaniyang suka, gayon ang mangmang na umuulit ng kaniyang kamangmangan.
[12] Nakikita mo ba ang taong pantas sa ganang kaniyang sarili. May higit na pagasa sa mangmang kay sa kaniya.
[13] Sinabi ng tamad, may leon sa daan; isang leon ay nasa mga lansangan.
[14] Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kaniyang bisagra, gayon ang tamad sa kaniyang higaan.
[15] Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan; napapagod siyang dalhin uli sa kaniyang bibig.
[16] Ang tamad ay lalong pantas sa ganang kaniyang sarili kay sa pitong tao na makapagbibigay katuwiran.
[17] Ang nagdaraan, at nakikialam sa pagaaway na hindi ukol sa kaniya, ay gaya ng humahawak ng aso sa mga tainga.
[18] Kung paano ang taong ulol na naghahagis ng mga dupong na apoy, mga pana, at kamatayan;
[19] Gayon ang tao na nagdadaya sa kaniyang kapuwa, at nagsasabi, hindi ko ba ginagawa sa paglilibang?
[20] Sapagka't sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy: at kung saan walang mapaghatid-dumapit ay tumitigil ang pagkakaalit.
[21] Kung paano ang mga uling sa mga baga, at ang kahoy sa apoy; gayon ang taong madaldal na nagpapaningas ng pagkakaalit.
[22] Ang mga salita ng mapaghatid-dumapit ay parang mga masarap na subo, at nagsisibaba sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.
[23] Mga mapusok na labi at masamang puso ay parang sisidlang-lupa na nababalot ng dumi ng pilak.
[24] Ang nagtatanim ay nagpapakunwari ng kaniyang mga labi, nguni't siya'y naglalagay ng pagdaraya sa loob niya:
[25] Pagka siya'y nagsasalitang mainam, huwag mo siyang paniwalaan; sapagka't may pitong karumaldumal sa kaniyang puso:
[26] Bagaman ang kaniyang pagtatanim ay magtakip ng karayaan, at ang kaniyang kasamaan ay lubos na makikilala sa harap ng kapisanan.
[27] Ang humuhukay ng lungaw ay mabubuwal doon: at siyang nagpapagulong ng bato, ay babalikan nito siya.
[28] Ang sinungaling na dila ay nagtatanim sa mga sinaktan niya; at ang bibig ng kunwang mapagpuri ay gumagawa ng kapahamakan.