Amsal - Pasal 11 Pasal. 11 - Amsal

bandingkan terjemahan

[1]  Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.

[2]  Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni't nasa mababa ang karunungan.

[3]  Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni't ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.

[4]  Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.

[5]  Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.

[6]  Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni't silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.

[7]  Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.

[8]  Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.

[9]  Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni't sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.

[10]  Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.

[11]  Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni't napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.

[12]  Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni't ang taong naguunawa ay tumatahimik.

[13]  Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni't ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.

[14]  Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.

[15]  Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.

[16]  Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.

[17]  Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.

[18]  Ang masama ay nakikinabang ng mga marayang sahod: nguni't ang naghahasik ng katuwiran ay nagtatamo ng tiwasay na ganting pala.

[19]  Siyang matatag sa katuwiran ay magtatamo ng buhay: at siyang humahabol ng kasamaan ay sa kaniyang sariling ikamamatay.

[20]  Silang suwail sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang gayong sakdal sa kanilang lakad ay kaniyang kaluguran.

[21]  Bagaman ang kamay ay makikikamay, ang masamang tao ay walang pagsalang parurusahan: nguni't ang binhi ng matuwid ay maliligtas.

[22]  Kung paano ang hiyas na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang magandang babae na walang bait.

[23]  Ang nasa ng matuwid ay buti lamang: nguni't ang hintay ng masama ay poot.

[24]  May nagsasabog, at tumutubo pa, at may humahawak naman ng higit kay sa karampatan, nguni't nauuwi lamang sa pangangailangan.

[25]  Ang kaluluwang mapagbigay ay tataba: at siyang dumidilig ay madidilig din.

[26]  Siyang humahawak ng trigo ay susumpain siya ng bayan: nguni't kapurihan ay mapapasaulo niya na nagbibili niyaon.

[27]  Siyang humahanap na masikap ng mabuti ay humahanap ng lingap: nguni't siyang kumakatha ng sama ay sa kaniya lalagpak.

[28]  Siyang tumitiwala sa kaniyang mga kayamanan ay mabubuwal: nguni't ang matuwid ay mamumukadkad na parang sariwang dahon.

[29]  Siyang bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan ay magmamana ng hangin: at ang mangmang ay magiging alipin ng pantas sa puso.

[30]  Ang bunga ng matuwid ay punong kahoy ng buhay; at siyang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa.

[31]  Narito, ang matuwid ay gagantihin sa lupa: gaano pa nga kaya ang masama at makasalanan!