Ayub - Pasal 8 Pasal. 8 - Ayub

bandingkan terjemahan

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,

[2]  Hanggang kailan magsasalita ka ng mga bagay na ito? At hanggang kailan magiging gaya ng makapangyarihang hangin ang mga salita ng iyong bibig?

[3]  Nagliliko ba ng kahatulan ang Dios? O nagliliko ba ang Makapangyarihan sa lahat ng kaganapan?

[4]  Kung ang iyong mga anak ay nangagkasala laban sa kaniya, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng kanilang pagkasalangsang:

[5]  Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat;

[6]  Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo'y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran.

[7]  At bagaman ang iyong pasimula ay maliit, gayon ma'y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam.

[8]  Sapagka't ikaw ay magsisiyasat, isinasamo ko sa iyo, sa unang panahon, at pasiyahan mo ang sinaliksik ng kanilang mga magulang:

[9]  (Sapagka't tayo'y kahapon lamang, at walang nalalaman, sapagka't ang ating mga kaarawan sa lupa ay anino:)

[10]  Hindi ka ba nila tuturuan, at sasaysayin sa iyo, at mangagsasalita ng mga salita mula sa kanilang puso?

[11]  Makatataas ba ang yantok ng walang putik? Tutubo ba ang tambo ng walang tubig?

[12]  Samantalang nasa kasariwaan, at hindi pinuputol, natutuyong una kay sa alin mang damo.

[13]  Gayon ang mga landas ng lahat na nagsisilimot sa Dios; at ang pagasa ng di banal ay mawawala:

[14]  Na ang kaniyang pagtitiwala ay mapaparam, at ang kaniyang tiwala ay isang bahay gagamba.

[15]  Siya'y sasandal sa kaniyang bahay, nguni't hindi tatayo; siya'y pipigil na mahigpit dito, nguni't hindi makapagmamatigas.

[16]  Siya'y sariwa sa harap ng araw, at ang kaniyang mga suwi ay sumisibol sa kaniyang halamanan.

[17]  Ang kaniyang mga ugat ay nagkakapitan sa palibot ng bunton, kaniyang minamasdan ang dako ng mga bato.

[18]  Kung siya'y magiba sa kaniyang dako, kung magkagayo'y itatakuwil niya siya, na sinasabi: Hindi kita nakita.

[19]  Narito, ito ang kagalakan ng kaniyang lakad, at mula sa lupa ay sisibol ang mga iba.

[20]  Narito, hindi itatakuwil ng Dios ang sakdal na tao, ni aalalayan man niya ang mga manggagawa ng kasamaan.

[21]  Kaniya namang pupunuin ang iyong bibig ng pagtawa, at ang iyong mga labi ng paghiyaw.

[22]  Silang nangapopoot sa iyo ay mabibihisan ng pagkahiya; at ang tolda ng masama ay mawawala.