[1] Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo? At sa kanino sa mga banal babalik ka?
[2] Sapagka't ang bigat ng loob ay pumapatay sa taong hangal, at ang paninibugho ay pumapatay sa mangmang.
[3] Aking nakita ang hangal na umuunlad: nguni't agad kong sinumpa ang kaniyang tahanan.
[4] Ang kaniyang mga anak ay malayo sa katiwasayan, at sila'y mangapipisa sa pintuang-bayan, na wala mang magligtas sa kanila.
[5] Na ang kaniyang ani ay kinakain ng gutom, at kinukuha na mula sa mga tinik, at ang silo ay nakabuka sa kanilang pag-aari.
[6] Sapagka't ang kadalamhatian ay hindi lumalabas sa alabok, ni bumubukal man sa lupa ang kabagabagan;
[7] Kundi ang tao ay ipinanganak sa kabagabagan. Gaya ng alipato na umiilanglang sa itaas.
[8] Nguni't sa ganang akin, ay hahanapin ko ang Dios, at sa Dios ay aking ihahabilin ang aking usap:
[9] Na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at ng mga hindi magunita; ng mga kamanghamanghang bagay na walang bilang:
[10] Na siyang nagbibigay ng ulan sa lupa, at nagpapahatid ng tubig sa mga bukid;
[11] Na anopa't kaniyang iniuupo sa mataas yaong nangasa mababa; at yaong nagsisitangis ay itinataas sa katiwasayan.
[12] Kaniyang sinasayang ang mga katha-katha ng mapagkatha, na anopa't hindi maisagawa ng kanilang mga kamay ang kanilang panukala.
[13] Kaniyang hinuhuli ang pantas sa kanilang sariling katha: at ang payo ng suwail ay napapariwara.
[14] Kanilang nasasalunuan ang kadiliman sa araw, at nagsisikapa sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi.
[15] Nguni't kaniyang inililigtas sa tabak ng kanilang bibig, sa makatuwid baga'y ang maralita sa kamay ng malakas.
[16] Na anopa't ang dukha ay may pagasa, at ang kasamaan ay nagtitikom ng kaniyang bibig.
[17] Narito, maginhawa ang tao na sinasaway ng Dios: kaya't huwag mong waling kabuluhan ang pagsaway ng Makapangyarihan sa lahat.
[18] Sapagka't siya'y sumusugat, at nagtatapal; siya'y sumusugat, at pinagagaling ng kaniyang mga kamay.
[19] Kaniyang ililigtas ka sa anim na kabagabagan. Oo, sa pito, ay walang kasamaang kikilos sa iyo.
[20] Sa kagutom ay tutubusin ka niya sa kamatayan; at sa pagdidigma ay sa kapangyarihan ng tabak.
[21] Ikaw ay makukubli sa talas ng dila; na hindi ka man matatakot sa paggiba pagka dumarating.
[22] Sa kagibaan at sa kasalatan ay tatawa ka; ni hindi ka matatakot sa mga ganid sa lupa.
[23] Sapagka't ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang; at ang mga ganid sa parang ay makikipagpayapaan sa iyo.
[24] At iyong makikilala na ang iyong tolda ay nasa kapayapaan; at iyong dadalawin ang iyong kulungan, at walang mawawala na anoman.
[25] Iyo rin namang makikilala na ang iyong binhi ay magiging dakila, at ang iyong lahi ay gaya ng damo sa lupa.
[26] Ikaw ay darating sa iyong libingan sa lubos na katandaan. Gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa kaniyang kapanahunan.
[27] Narito, aming siniyasat, at gayon nga; dinggin mo, at talastasin mo sa iyong ikabubuti.