Ayub - Pasal 31 Pasal. 31 - Ayub

bandingkan terjemahan

[1]  Ako'y nakipagtipan sa aking mga mata; paano nga akong titingin sa isang dalaga?

[2]  Sapagka't ano ang bahagi sa ganang akin sa Dios mula sa itaas, at ang mana sa Makapangyarihan sa lahat mula sa kaitaasan?

[3]  Hindi ba kasakunaan sa liko, at kasawiang palad sa mga manggagawa ng kasamaan?

[4]  Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad, at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?

[5]  Kung ako'y lumakad na walang kabuluhan, at ang aking paa ay nagmadali sa pagdaraya;

[6]  (Timbangin ako sa matuwid na timbangan, upang mabatid ng Dios ang aking pagtatapat;)

[7]  Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan, at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata, at kung ang anomang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:

[8]  Kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang kanin ng iba; Oo, bunutin ang bunga ng aking bukid.

[9]  Kung ang aking puso ay napadaya sa babae, at ako'y bumakay sa pintuan ng aking kapuwa:

[10]  Kung magkagayo'y iba ang ipaggiling ng aking asawa, at iba ang yumuko sa kaniya.

[11]  Sapagka't iya'y isang mabigat na sala; Oo, isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom:

[12]  Sapagka't isang apoy na namumugnaw hanggang sa pagkapahamak, at bubunutin ang lahat ng aking bunga.

[13]  Kung hinamak ko ang katuwiran ng aking aliping lalake o aliping babae, nang sila'y makipagtalo sa akin:

[14]  Ano nga ang aking gagawin pagka bumabangon ang Dios? At pagka kaniyang dinadalaw, anong isasagot ko sa kaniya?

[15]  Hindi ba siyang lumalang sa akin sa bahay-bata ang lumalang sa kaniya; at hindi ba iisa ang humugis sa atin sa bahay-bata?

[16]  Kung pinagkaitan ko ang dukha sa kanilang nasa, o pinangalumata ko ang mga mata ng babaing bao:

[17]  O kumain akong magisa ng aking subo, at ang ulila ay hindi kumain niyaon;

[18]  (Hindi, mula sa aking kabataan ay lumaki siyang kasama ko, na gaya ng may isang ama, at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng aking ina;)

[19]  Kung ako'y nakakita ng sinomang nangangailangan ng kasuutan, o ng mapagkailangan ng walang kumot;

[20]  Kung hindi ako pinagpala ng kaniyang mga balakang, at kung siya'y hindi nainitan ng balahibo ng aking mga tupa:

[21]  Kung binuhat ko ang aking kamay laban sa ulila, sapagka't nakita ko ang tulong sa akin sa pintuang-bayan:

[22]  Kung nagkagayo'y malaglag ang aking balikat sa abot-agawin, at ang aking kamay ay mabali sa buto.

[23]  Sapagka't ang kasakunaang mula sa Dios ay kakilabutan sa akin, at dahil sa kaniyang karilagan ay wala akong magawa.

[24]  Kung aking pinapaging ginto ang aking pagasa, at sinabi ko sa dalisay na ginto, ikaw ay aking tiwala;

[25]  Kung ako'y nagalak sapagka't ang aking kayamanan ay malaki, at sapagka't ang aking kamay ay nagtamo ng marami;

[26]  Kung ako'y tumingin sa araw pagka sumisikat, o sa buwan na lumalakad sa kakinangan;

[27]  At ang aking puso ay napadayang lihim, at hinagkan ng aking bibig ang aking kamay:

[28]  Ito may isang kasamaang marapat parusahan ng mga hukom: sapagka't itinakuwil ko ang Dios na nasa itaas.

[29]  Kung ako'y nagalak sa kasakunaan niyaong nagtatanim ng loob sa akin, o nagmataas ako ng datnan siya ng kasamaan;

[30]  (Oo, hindi ko tiniis ang aking bibig sa kasalanan sa paghingi ng kaniyang buhay na may sumpa;)

[31]  Kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi, sinong makakasumpong ng isa na hindi nabusog sa kaniyang pagkain?

[32]  Ang taga ibang lupa ay hindi tumigil sa lansangan; kundi aking ibinukas ang aking mga pinto sa manglalakbay,

[33]  Kung aking tinakpan na gaya ni Adan ang aking mga pagsalangsang, sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;

[34]  Sapagka't aking kinatakutan ang lubhang karamihan, at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan. Na anopa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan?

[35]  O mano nawang may duminig sa akin! (Narito ang aking tala, sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat;) At mano nawang magkaroon ako ng sumbong na isinulat ng aking kaaway!

[36]  Tunay na aking papasanin ito sa aking balikat; aking itatali sa akin na gaya ng isang putong.

[37]  Aking ipahahayag sa kaniya ang bilang ng aking mga hakbang, gaya ng isang pangulo na lalapitan ko siya.

[38]  Kung ang aking lupa ay humiyaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyaon ay umiyak na magkakasama;

[39]  Kung kumain ako ng bunga niyaon na walang bayad, o ipinahamak ko ang buhay ng mga may-ari niyaon:

[40]  Tubuan ng dawag sa halip ng trigo, at ng mga masamang damo sa halip ng cebada. Ang mga salita ni Job ay natapos.