Ayub - Pasal 10 Pasal. 10 - Ayub

bandingkan terjemahan

[1]  Ang aking kaluluwa ay nalulunos sa aking buhay; aking palalayain ang aking daing; ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.

[2]  Sasabihin ko sa Dios: Huwag mo akong hatulan; ipakilala mo sa akin kung bakit nakikipagtalo ka sa akin.

[3]  Mabuti ba sa iyo na ikaw ay mamighati, na iyong itakuwil ang gawa ng iyong mga kaaway, at iyong pasilangin ang payo ng masama?

[4]  Ikaw ba'y may mga matang laman, o nakakakita ka bang gaya ng pagkakita ng tao?

[5]  Ang iyo bang mga kaarawan ay gaya ng mga kaarawan ng tao, o ang iyong mga taon ay gaya ng mga kaarawan ng tao,

[6]  Upang ikaw ay magsiyasat ng aking kasamaan, at magusisa ng aking kasalanan,

[7]  Bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi masama; at walang makapagliligtas sa iyong kamay?

[8]  Ang iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot; gayon ma'y pinahihirapan mo ako.

[9]  Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, na ako'y iyong binigyang anyo na gaya ng putik; at iuuwi mo ba ako uli sa pagkaalabok?

[10]  Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas, at binuo mo akong parang keso?

[11]  Ako'y binihisan mo ng balat at laman, at sinugpong mo ako ng mga buto at mga litid.

[12]  Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at kagandahang-loob, at pinamalagi ang aking diwa ng iyong pagdalaw.

[13]  Gayon ma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso; talastas ko na ito'y sa iyo:

[14]  Kung ako'y magkasala, iyo nga akong tinatandaan, at hindi mo ako patatawarin sa aking kasamaan.

[15]  Kung ako'y maging masama, sa aba ko; at kung ako'y maging matuwid, hindi ko man itataas ang aking ulo; yamang puspos ng kakutyaan, at ng pagmamasid niring kadalamhatian.

[16]  At kung ang aking ulo ay mataas, iyong hinuhuli akong parang leon: at napakikita ka uling kagilagilalas sa akin.

[17]  Iyong binabago ang iyong mga pagsaksi laban sa akin, at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin; paninibago at pakikipagbaka ang sumasaakin.

[18]  Bakit mo nga ako inilabas mula sa bahay-bata? Napatid sana ang aking hininga, at wala nang matang nakakita pa sa akin.

[19]  Ako sana'y naging parang hindi nabuhay; nadala sana ako mula sa bahay-bata hanggang sa libingan,

[20]  Hindi ba kaunti ang aking mga araw? paglikatin mo nga, at ako'y iyong bayaan, upang ako'y maginhawahan ng kaunti,

[21]  Bago ako manaw doon na hindi ako babalik, sa lupain ng kadiliman at ng lilim ng kamatayan;

[22]  Ang lupain na dilim, na gaya ng salimuot na kadiliman; lupain ng lilim ng kamatayan, na walang anomang ayos, at doon sa ang liwanag ay gaya ng salimuot na kadiliman.