Yakobus - Pasal 3 Pasal. 3 - Yakobus

bandingkan terjemahan

[1]  Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, yamang nalalamang tayo'y tatanggap ng lalong mabigat na hatol.

[2]  Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.

[3]  Kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig, upang tayo'y talimahin, ay ibinabaling din naman natin ang kanilang buong katawan.

[4]  Narito, ang mga daong naman, bagama't lubhang malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayon ma'y sa pamamagitan ng isang lubhang maliit na ugit ay napapabaling kung saan ibig ng tagaugit.

[5]  Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap, at nagpapalalo ng malalaking bagay. Narito, kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy!

[6]  At ang dila'y isang apoy: ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba't ang dila, na nakakahawa sa buong katawan, at pinagningas ang gulong ng katalagahan, at ang dila'y pinagniningas ng impierno.

[7]  Sapagka't ang bawa't uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga nagsisiusad at mga bagay sa dagat, ay pinaaamo, at napaaamo ng tao:

[8]  Datapuwa't ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao; isang masamang hindi nagpapahinga, na puno ng lasong nakamamatay.

[9]  Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios:

[10]  Sa bibig din lumalabas ang pagpuri't paglait. Mga kapatid ko, ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon.

[11]  Ang bukal baga'y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait?

[12]  Maaari baga, mga kapatid ko, na ang puno ng igos ay magbunga ng aseitunas, o ng mga igos ang puno ng ubas? hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig.

[13]  Sino ang marunong at matalino sa inyo? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.

[14]  Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso, ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan.

[15]  Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi ang nauukol sa lupa, sa laman, sa diablo.

[16]  Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi, ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.

[17]  Nguni't ang karunungang buhat sa itaas, ay una-una'y malinis saka mapayapa, banayad, madaling panaingan, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang inaayunan, walang pagpapaimbabaw.

[18]  At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan.