[1] Oh buksan mo sana ang langit, na ikaw ay bumaba, na ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.
[2] Gaya ng kung nililiyaban ng apoy ang siitan, at ng kung pinakukulo ng apoy ang tubig; upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!
[3] Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.
[4] Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya.
[5] Iyong sinasalubong siya na nagagalak at gumagawa ng katuwiran, yaong nagsialaala sa iyo sa iyong mga daan: narito, ikaw ay napoot, at kami ay nagkasala: napasa kanila kaming malaong panahon; at maliligtas baga kami?
[6] Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin.
[7] At walang tumatawag ng iyong pangalan, na gumigising upang manghawak sa iyo; sapagka't ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at iyong pinugnaw kami sa aming mga kasamaan.
[8] Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.
[9] Huwag kang lubhang mapoot, Oh Panginoon, o umalaala man ng kasamaan ng magpakailan man: narito, tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, kaming lahat ay iyong bayan.
[10] Ang iyong mga bayang banal ay naging ilang, ang Sion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira.
[11] Ang aming banal at magandang bahay, na pinagpupurihan sa iyo ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming maligayang bagay ay nasira.
[12] Magpipigil ka baga sa mga bagay na ito, Oh Panginoon? ikaw baga'y tatahimik, at pagdadalamhatiin mo kaming mainam?