Efesus - Pasal 3 Pasal. 3 - Efesus

bandingkan terjemahan

[1]  Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil,

[2]  Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo;

[3]  Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita.

[4]  Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo;

[5]  Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu;

[6]  Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio,

[7]  Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan.

[8]  Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo;

[9]  At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay;

[10]  Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios,

[11]  Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin:

[12]  Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.

[13]  Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo.

[14]  Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,

[15]  Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa,

[16]  Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;

[17]  Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig.

[18]  Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim,

[19]  At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios.

[20]  Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

[21]  Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.