[1] Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.
[1] ---
[2] Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,
[2] ---
[3] Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,
[3] ---
[4] Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;
[4] ---
[5] Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.
[5] ---
[6] Sapagka't sa mga ito ang nanganggagapang sa mga bahay, at binibihag ang babaing haling na lipos ng mga kasalanan, hinihila ng mga iba't ibang pita,
[6] ---
[7] Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.
[7] ---
[8] At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito'y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pagiisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya.
[8] ---
[9] Nguni't sila'y hindi mangagpapatuloy: sapagka't mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon.
[9] ---
[10] Nguni't sinunod mo ang aking aral, ugali, akala, pananampalataya, pagpapahinuhod, pagibig, pagtitiis,
[10] ---
[11] Mga paguusig, mga pagbabata; anomang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra; anomang mga paguusig ang tiniis ko: at sa lahat ay iniligtas ako ng Panginoon.
[11] ---
[12] Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig.
[12] ---
[13] Datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya.
[13] ---
[14] Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;
[14] ---
[15] At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
[15] ---
[16] Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
[16] ---
[17] Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.