[1] Nang magtatapos ang araw ng sabbath, nang nagbubukang liwayway na ang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan.
[1] ---
[2] At narito, lumindol ng malakas; sapagka't bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at naparoon at iginulong ang bato, at nakaupo sa ibabaw nito.
[2] ---
[3] Ang kaniyang anyo ay tulad sa kidlat, at ang kaniyang pananamit ay maputing parang niebe:
[3] ---
[4] At sa takot sa kaniya'y nagsipanginig ang mga bantay, at nangaging tulad sa mga taong patay.
[4] ---
[5] At sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, Huwag kayong mangatakot; sapagka't nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus.
[5] ---
[6] Siya'y wala rito; sapagka't siya'y nagbangon, ayon sa sinabi niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon.
[6] ---
[7] At magsiyaon kayong madali, at sa kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo, Siya'y nagbangon sa mga patay; at narito, siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea; doon makikita ninyo siya: narito, nasabi ko na sa inyo.
[7] ---
[8] At sila'y nagsialis na madali sa libingan na taglay ang takot at ang malaking galak, at nagsitakbo upang ibalita sa kaniyang mga alagad.
[8] ---
[9] At narito, sila'y sinalubong ni Jesus na nagsasabi, Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang kaniyang mga paa, at siya'y sinamba.
[9] ---
[10] Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila ako.
[10] ---
[11] Samantala ngang sila'y nagsisiparoon, narito, ang ilan sa mga bantay ay nagsiparoon sa bayan, at ibinalita sa mga pangulong saserdote ang lahat ng mga bagay na nangyari.
[11] ---
[12] At nang sila'y mangakipagkatipon na sa matatanda, at makapagsanggunian na, ay nangagbigay sila ng maraming salapi sa mga kawal,
[12] ---
[13] Na nangagsasabi, Sabihin ninyo, Nagsiparito nang gabi ang kaniyang mga alagad, at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y nangatutulog.
[13] ---
[14] At kung ito'y dumating sa tainga ng gobernador, ay siya'y aming hihikayatin, at kayo'y aming ilalagay sa panatag.
[14] ---
[15] Kaya't kinuha nila ang salapi, at kanilang ginawa alinsunod sa pagkaturo sa kanila: at ang pananalitang ito ay kumalat sa gitna ng mga Judio, at nananatili hanggang sa mga araw na ito.
[15] ---
[16] Datapuwa't nagsiparoon ang labingisang alagad sa Galilea, sa bundok na sa kanila'y itinuro ni Jesus.
[16] ---
[17] At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya; datapuwa't ang ilan ay nangagalinlangan.
[17] ---
[18] At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.
[18] ---
[19] Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
[19] ---
[20] Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.
[20] ---