[1] Dinggin ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
[1] ---
[2] Ang dalaga ng Israel ay nabuwal; siya'y hindi na magbabangon pa, siya'y nahagis sa kaniyang lupain; walang magbangon sa kaniya.
[2] ---
[3] Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang bayan na lalabas na isang libo, maiiwang isang daan, at ang lalabas na isang daan ay maiiwang sangpu, sa sangbahayan ni Israel.
[3] ---
[4] Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo'y mangabubuhay;
[4] ---
[5] Nguni't huwag ninyong hanapin ang Beth-el, ni magsipasok man sa Gilgal, at huwag kayong magsidaan sa Beer-seba: sapagka't walang pagsala ang Gilgal ay papasok sa pagkabihag, at ang Beth-el ay mauuwi sa wala.
[5] ---
[6] Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon:
[6] ---
[7] Kayong nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa.
[7] ---
[8] Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);
[8] ---
[9] Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan.
[9] ---
[10] Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.
[10] ---
[11] Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.
[11] ---
[12] Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.
[12] ---
[13] Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.
[13] ---
[14] Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.
[14] ---
[15] Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.
[15] ---
[16] Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy.
[16] ---
[17] At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.
[17] ---
[18] Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan.
[18] ---
[19] Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya.
[19] ---
[20] Hindi baga magiging kadiliman ang kaarawan ng Panginoon, at hindi kaliwanagan? na totoong madilim, at walang ningning?
[20] ---
[21] Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang kapulungan.
[21] ---
[22] Oo, bagaman inyong ihandog sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na harina, hindi ko tatanggapin; ni akin mang kalulugdan ang mga handog tungkol sa kapayapaan na inyong mga matabang hayop.
[22] ---
[23] Ihiwalay mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; sapagka't hindi ko didinggin ang tinig ng iyong mga biola.
[23] ---
[24] Kundi bumugso ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang malakas na agos.
[24] ---
[25] Nagdala baga kayo sa akin ng mga hain, at ng mga handog sa ilang na apat na pung taon, Oh sangbahayan ni Israel?
[25] ---
[26] Oo, inyong pinasan ang tabernakulo ng inyong hari at ang dambana ng inyong mga larawan, ang bituin ng inyong dios, na inyong ginawa para sa inyong sarili.
[26] ---
[27] Kaya't kayo'y aking papapasukin sa pagkabihag sa dako roon ng Damasco, sabi ng Panginoon, na ang pangala'y Dios ng mga hukbo.
[27] ---