[1] Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng aking pagangal?
[1] ---
[2] Oh Dios ko, ako'y humihiyaw sa araw, nguni't hindi ka sumasagot: at sa gabi, at hindi ako tahimik.
[2] ---
[3] Nguni't ikaw ay banal, Oh ikaw na tumatahan sa mga pagpuri ng Israel.
[3] ---
[4] Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo: sila'y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.
[4] ---
[5] Sila'y nagsidaing sa iyo at nangaligtas: sila'y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya.
[5] ---
[6] Nguni't ako'y uod at hindi tao; duwahagi sa mga tao, at hinamak ng bayan.
[6] ---
[7] Silang lahat na nangakakita sa akin ay tinatawanang mainam ako: inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi,
[7] ---
[8] Magpakatiwala ka sa Panginoon; iligtas niya siya: iligtas niya siya yamang kinaluluguran niya siya:
[8] ---
[9] Nguni't ikaw ang naglabas sa akin sa bahay-bata: Pinatiwala mo ako nang ako'y nasa mga suso ng aking ina.
[9] ---
[10] Ako'y nahagis sa iyo mula sa bahay-bata: ikaw ay aking Dios mulang dalhin ako sa tiyan ng aking ina.
[10] ---
[11] Huwag mo akong layuan; sapagka't kabagabagan ay malapit; sapagka't walang tumulong.
[11] ---
[12] Niligid ako ng maraming toro; mga malakas na toro ng Basan ay kumulong sa akin.
[12] ---
[13] Sila'y magbubuka sa akin ng kanilang bibig, na gaya ng sumasakmal at umuungal na leon.
[13] ---
[14] Ako'y nabuhos na parang tubig, at lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad: ang aking puso ay parang pagkit; natutunaw ito sa loob ko.
[14] ---
[15] Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga; at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala; at dinala mo ako sa alabok ng kamatayan.
[15] ---
[16] Sapagka't niligid ako ng mga aso: kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa.
[16] ---
[17] Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako:
[17] ---
[18] Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.
[18] ---
[19] Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon: Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.
[19] ---
[20] Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak; ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.
[20] ---
[21] Iligtas mo ako sa bibig ng leon; Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.
[21] ---
[22] Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid: sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.
[22] ---
[23] Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya: kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
[23] ---
[24] Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.
[24] ---
[25] Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan: aking tutuparin ang aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.
[25] ---
[26] Ang maamo ay kakain at mabubusog: kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya; mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.
[26] ---
[27] Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at magsisipanumbalik sa Panginoon: at lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.
[27] ---
[28] Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon: at siya ang puno sa mga bansa.
[28] ---
[29] Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba: silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya, sa makatuwid baga'y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.
[29] ---
[30] Isang binhi ay maglilingkod sa kaniya, sasaysayin ang Panginoon sa susunod na salin ng lahi,
[30] ---
[31] Sila'y magsisiparoon at mangaghahayag ng kaniyang katuwiran, sa bayan na ipanganganak ay ibabalita, yaong kaniyang ginawa.