[1]  At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw.

[1]  ---

[2]  At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa.

[2]  ---

[3]  At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod.

[3]  ---

[4]  Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy.

[4]  ---

[5]  At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi.

[5]  ---

[6]  At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay.

[6]  ---

[7]  At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin.

[7]  ---

[8]  At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain.

[8]  ---

[9]  At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon si Sara na iyong asawa? At sinabi niya Narito, nasa tolda.

[9]  ---

[10]  At sinabi niya, Walang salang di ako babalik sa iyo sa ganitong panahon ng taong darating; at narito't si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalake. At narinig ni Sara sa pintuan ng tolda, na nasa likod niya.

[10]  ---

[11]  Si Abraham at si Sara nga'y matatanda na, at lipas na sa panahon; at tinigilan na si Sara ng kaugalian ng mga babae.

[11]  ---

[12]  At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako'y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko?

[12]  ---

[13]  At sinabi ng Panginoon kay Abraham, Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, Tunay kayang ako'y manganganak, na matanda na ako?

[13]  ---

[14]  May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon? Sa tadhanang panahon ay babalik ako sa iyo, sa taong darating, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalake.

[14]  ---

[15]  Nang magkagayo'y nagkaila si Sara, na sinasabi, Hindi ako tumawa, sapagka't siya'y natakot. Nguni't sinabi niya, Hindi gayon; kundi ikaw ay tumawa.

[15]  ---

[16]  At nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham, upang ihatid sila sa daan.

[16]  ---

[17]  At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;

[17]  ---

[18]  Dangang si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa?

[18]  ---

[19]  Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya.

[19]  ---

[20]  At sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha;

[20]  ---

[21]  Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.

[21]  ---

[22]  At ang mga lalake ay nagsilayo roon at nagsitungo sa Sodoma datapuwa't si Abraham ay nakatayo pa sa harapan ng Panginoon.

[22]  ---

[23]  At lumapit si Abraham, at nagsabi, Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?

[23]  ---

[24]  Kung sakaling may limang pung banal sa loob ng bayan: lilipulin mo ba, at di mo patatawarin ang dakong yaon, alangalang sa limang pung banal na nasa loob niyaon?

[24]  ---

[25]  Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anopa't ang banal ay mapara sa masama; malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?

[25]  ---

[26]  At sinabi ng Panginoon, Kung makasumpong ako sa Sodoma ng limang pung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong dakong yaon, alangalang sa kanila.

[26]  ---

[27]  At sumagot si Abraham, at nagsabi, Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang:

[27]  ---

[28]  Kung sakaling magkukulang ng lima sa limang pung banal: lilipulin mo ba, dahil sa limang kulang, ang buong bayan? At sinabi niya, Hindi ko lilipulin kung makasumpong ako roon ng apat na pu't lima.

[28]  ---

[29]  At siya'y muling nagsalita pa sa kaniya, at nagsabi, Marahil ay may masusumpungang apat na pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin, alangalang sa apat na pu.

[29]  ---

[30]  At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita: kung sakaling may masusumpungan doong tatlong pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin kung makakasumpong ako roon ng tatlong pu.

[30]  ---

[31]  At kaniyang sinabi, Narito ngayon, ako'y nangahas na magsalita sa Panginoon: kung sakaling may masusumpungan doong dalawang pu. At sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa dalawang pu.

[31]  ---

[32]  At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan: kung sakaling may masusumpungan doong sangpu: at sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa sangpu.

[32]  ---

[33]  At ang Panginoon ay nagpatuloy, pagkatapos na makipagusap kay Abraham: at si Abraham ay nagbalik sa kaniyang dako.

[33]  ---