Psalmen - Kapitel 82 Kap. 82 - Psalmen
[1] Ang Dios ay tumatayo sa kapisanan ng Dios; siya'y humahatol sa gitna ng mga dios.
[2] Hanggang kailan magsisihatol kayo ng kalikuan, at magsisigalang sa mga pagkatao ng masama? (Selah)
[3] Hatulan mo ang dukha at ulila: gawan mo ng kaganapan ang napipighati at walang nagkakandili.
[4] Sagipin mo ang dukha at mapagkailangan: iligtas ninyo sila sa kamay ng masama,
[5] Hindi nila nalalaman, ni nauunawa man; sila'y nagsisilakad na paroo't parito sa kadiliman: lahat ng patibayan ng lupa ay nangakilos.
[6] Aking sinabi, Kayo'y mga dios, at kayong lahat ay mga anak ng Kataastaasan.
[7] Gayon ma'y mangamamatay kayong parang mga tao, at mangabubuwal na parang isa sa mga pangulo.
[8] Bumangon ka, O Dios, hatulan mo ang lupa: sapagka't iyong mamanahin ang lahat ng mga bansa.