Psalmen - Kapitel 69 Kap. 69 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Iligtas mo ako, Oh Dios; sapagka't ang tubig ay tumabon sa aking kaluluwa.

[2]  Ako'y lumulubog sa malalim na burak na walang tayuan: ako'y lumulubog sa malalim na tubig, na tinatabunan ako ng agos.

[3]  Ako'y hapo sa aking daing; ang lalamunan ko'y tuyo: ang mga mata ko'y nangangalumata habang hinihintay ko ang aking Dios.

[4]  Silang nangagtatanim sa akin ng walang anomang kadahilanan ay higit kay sa mga buhok ng aking ulo: silang ibig maghiwalay sa akin, na mga kaaway kong may kamalian, ay mga makapangyarihan: akin ngang isinauli ang hindi ko kinuha.

[5]  Oh Dios, kilala mo ang kamangmangan ko; at ang mga kasalanan ko'y hindi lihim sa iyo.

[6]  Huwag mangapahiya dahil sa akin ang nangaghihintay sa iyo, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo: huwag mangalagay sa kasiraang puri dahil sa akin ang nagsisihanap sa iyo, Oh Dios ng Israel.

[7]  Sapagka't dahil sa iyo ay nagdala ako ng kadustaan; kahihiyan ay tumakip sa aking mukha.

[8]  Ako'y naging iba sa aking mga kapatid, at taga ibang lupa sa mga anak ng aking ina.

[9]  Sapagka't napuspos ako ng sikap sa iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa iyo ay nangahulog sa akin.

[10]  Pag umiiyak ako at pinarurusahan ko ng pagaayuno ang aking kaluluwa, yao'y pagkaduwahagi sa akin.

[11]  Nang magsuot ako ng kayong magaspang, ay naging kawikaan ako sa kanila.

[12]  Pinag-uusapan ako nilang nangauupo sa pintuang-bayan; at ako ang awit ng mga lango.

[13]  Nguni't tungkol sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, Oh Panginoon, sa isang kalugodlugod na panahon: Oh Dios, sa karamihan ng iyong kagandahang-loob,

[14]  Iligtas mo ako sa burak, at huwag mo akong ilubog: maligtas ako sa kanila na nangagtatanim sa akin, at sa malalim na tubig.

[15]  Huwag akong tangayin ng baha, ni lamunin man ako ng kalaliman: at huwag takpan ng hukay ang kaniyang bunganga sa akin.

[16]  Sagutin mo ako, Oh Panginoon; sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti: ayon sa karamihan ng iyong mga malumanay na kaawaan ay bumalik ka sa akin.

[17]  At huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagka't ako'y nasa kahirapan; sagutin mo akong madali.

[18]  Lumapit ka sa aking kaluluwa, at tubusin mo: Iligtas mo ako dahil sa aking mga kaaway.

[19]  Talastas mo ang aking kadustaan, at ang aking kahihiyan, at ang aking kasiraang puri: ang aking mga kaaway, ay pawang nangasa harap mo.

[20]  Kaduwahagihan ay sumira ng aking puso; at ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at ako'y naghintay na may maawa sa akin, nguni't wala; at mga mangaaliw, nguni't wala akong masumpungan.

[21]  Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.

[22]  Maging lalang sa harap nila ang kanilang dulang; at maging isang silo kung sila'y nasa kapayapaan.

[23]  Manglabo ang kanilang mga mata, na sila'y huwag makakita; at papanginigin mong palagi ang kanilang mga balakang.

[24]  Ibugso mo ang iyong galit sa kanila, at datnan sila ng kabangisan ng iyong galit.

[25]  Magiba ang tahanan nila; walang tumahan sa kanilang mga tolda.

[26]  Sapagka't kanilang hinabol siya na iyong sinaktan, at sinaysay nila ang damdam niyaong iyong sinugatan.

[27]  At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran.

[28]  Mapawi sila sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid.

[29]  Nguni't ako'y dukha at mapanglaw: sa pamamagitan ng pagliligtas mo, Oh Dios, ay iahon mo nawa ako.

[30]  Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Dios, at dadakilain ko siya ng pasalamat.

[31]  At kalulugdan ng Panginoon na higit kay sa isang baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa.

[32]  Nakita ng mga maamo, at nangatuwa: mabuhay ang puso, ninyong nagsisihanap sa Dios.

[33]  Sapagka't dinidinig ng Panginoon ang mapagkailangan, at hindi hinahamak ang kaniyang mga bilanggo.

[34]  Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat, at ng bawa't bagay na gumagalaw roon.

[35]  Sapagka't ililigtas ng Dios ang Sion, at itatayo ang mga bayan ng Juda; at sila'y magsisitahan doon, at tatangkilikin nila na pinakaari.

[36]  Mamanahin naman ng binhi ng kaniyang mga lingkod; at silang nagsisiibig ng kaniyang pangalan ay magsisitahan doon.