Psalmen - Kapitel 25 Kap. 25 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Sa iyo, Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa.

[2]  Oh Dios ko sa iyo'y tumiwala ako, huwag nawa akong mapahiya; huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway.

[3]  Oo, walang naghihintay sa iyo na mapapahiya; sila'y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan,

[4]  Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.

[5]  Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin; sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan; sa iyo'y naghihintay ako buong araw.

[6]  Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob; sapagka't magpakailan man mula ng una.

[7]  Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang: ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon.

[8]  Mabuti at matuwid ang Panginoon: kaya't tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan.

[9]  Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan: at ituturo niya sa maamo ang daan niya.

[10]  Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo.

[11]  Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon, iyong ipatawad ang aking kasamaan, sapagka't malaki.

[12]  Anong tao siya na natatakot sa Panginoon? Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.

[13]  Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan; at mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.

[14]  Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.

[15]  Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon; sapagka't huhugutin niya ang aking mga paa sa silo.

[16]  Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin; sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati.

[17]  Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki: Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.

[18]  Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam; at ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.

[19]  Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami; at pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.

[20]  Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka't nanganganlong ako sa iyo.

[21]  Magingat sa akin ang pagtatapat at katuwiran, sapagka't hinihintay kita.

[22]  Tubusin mo ang Israel, Oh Dios, mula sa lahat na kaniyang kabagabagan.