Psalmen - Kapitel 2 Kap. 2 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay?

[2]  Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi:

[3]  Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin.

[4]  Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.

[5]  Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob:

[6]  Gayon ma'y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion.

[7]  Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita.

[8]  Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari.

[9]  Sila'y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.

[10]  Ngayon nga'y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa.

[11]  Kayo'y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig.

[12]  Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo'y mangapahamak sa daan, sapagka't ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya.