Psalmen - Kapitel 147 Kap. 147 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't mabuting umawit ng mga pagpuri sa ating Dios; sapagka't maligaya, at ang pagpuri ay nakalulugod.

[2]  Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem; kaniyang pinipisan ang mga natapon na Israel.

[3]  Kaniyang pinagagaling ang mga may bagbag na puso, at tinatalian niya ang kanilang mga sugat.

[4]  Kaniyang sinasaysay ang bilang ng mga bituin; siya ang nagbibigay sa kanila ng lahat nilang pangalan.

[5]  Dakila ang ating Panginoon, at makapangyarihan sa kapangyarihan; ang kaniyang unawa ay walang hanggan,

[6]  Inaalalayan ng Panginoon ang maamo: kaniyang inilulugmok sa lupa ang masama.

[7]  Magsiawit kayo sa Panginoon ng pagpapasalamat; magsiawit kayo sa alpa ng mga pagpuri sa ating Dios:

[8]  Na nagtatakip sa mga langit ng mga alapaap. Na siyang naghahanda ng ulan sa lupa, na nagpapatubo ng damo sa mga bundok.

[9]  Siya'y nagbibigay sa hayop ng kaniyang pagkain. At sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.

[10]  Siya'y hindi nalulugod sa lakas ng kabayo: siya'y hindi nasasayahan sa mga paa ng tao.

[11]  Ang Panginoon ay naliligaya sa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob.

[12]  Purihin mo ang Panginoon, Oh Jerusalem; purihin mo ang iyong Dios, Oh Sion.

[13]  Sapagka't kaniyang pinatibay ang mga halang ng iyong mga pintuang-bayan; kaniyang pinagpala ang iyong mga anak sa loob mo.

[14]  Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; kaniyang binubusog ka ng pinakamainam na trigo.

[15]  Kaniyang sinusugo ang kaniyang utos sa lupa; ang kaniyang salita ay tumatakbong maliksi.

[16]  Siya'y nagbibigay ng nieve na parang balahibo ng tupa; siya'y nagkakalat ng eskarcha na parang abo.

[17]  Kaniyang inihahagis na parang putol na maliit ang kaniyang hielo: sinong makatatagal sa harap ng lamig niyaon?

[18]  Kaniyang pinahahatdan ng salita, at tinutunaw: kaniyang pinahihihip ang kaniyang hangin, at ang tubig ay pinaagos.

[19]  Kaniyang ipinabatid ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga palatuntunan at mga kahatulan sa Israel.

[20]  Siya'y hindi gumawa ng gayon sa alin mang bansa: at tungkol sa kaniyang mga kahatulan, hindi nila nalaman. Purihin ninyo ang Panginoon.