Psalmen - Kapitel 143 Kap. 143 - Psalmen

Übersetzungen vergleichen

[1]  Dinggin mo ang dalangin ko Oh Panginoon; pakinggan mo ang aking mga pamanhik: sa iyong pagtatapat ay sagutin mo ako, at sa iyong katuwiran.

[2]  At huwag kang masok sa kahatulan na kasama ng iyong lingkod; sapagka't sa iyong paningin ay walang taong may buhay na aariing ganap.

[3]  Sapagka't pinagusig ng kaaway ang kaluluwa ko; kaniyang sinaktan ang aking buhay ng lugmok sa lupa: kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng mga namatay nang malaon.

[4]  Kaya't ang aking diwa ay nanglulupaypay sa loob ko; ang puso ko sa loob ko ay bagbag.

[5]  Aking naaalaala ang mga araw ng una; aking ginugunita ang lahat mong mga gawa: aking binubulay ang gawa ng iyong mga kamay.

[6]  Iginawad ko ang aking mga kamay sa iyo: ang aking kaluluwa ay nananabik sa iyo, na parang uhaw na lupain. (Selah)

[7]  Magmadali kang sagutin mo ako, Oh Panginoon; ang diwa ko'y nanglulupaypay: huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa hukay.

[8]  Iparinig mo sa akin ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan; sapagka't sa iyo ako tumitiwala: ipabatid mo sa akin ang daan na aking dapat lakaran; sapagka't itinaas ko ang aking kaluluwa sa iyo.

[9]  Iligtas mo ako, Oh Panginoon, sa aking mga kaaway: tumatakas ako sa iyo upang ikubli mo ako.

[10]  Turuan mo akong gumawa ng iyong kalooban; sapagka't ikaw ay aking Dios: ang iyong Espiritu ay mabuti; patnubayan mo ako sa lupain ng katuwiran.

[11]  Buhayin mo ako, Oh Panginoon, dahil sa iyong pangalan: sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa sa kabagabagan,

[12]  At sa iyong kagandahang-loob ay ihiwalay mo ang aking mga kaaway, at lipulin mo ang lahat na nagsisidalamhati sa aking kaluluwa; sapagka't ako'y iyong lingkod.