Psalmen - Kapitel 112 Kap. 112 - Psalmen
[1] Purihin ninyo ang Panginoon. Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon, na naliligayang mainam sa kaniyang mga utos.
[2] Ang kaniyang binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa; ang lahi ng matuwid ay magiging mapalad.
[3] Kaginhawahan at kayamanan ay nasa kaniyang bahay: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
[4] Sa matuwid ay bumabangon ang liwanag sa kadiliman: siya'y mapagbiyaya at puspos ng kahabagan, at matuwid.
[5] Ang ikabubuti ng taong mapagbiyaya at nagpapahiram, kaniyang aalalayan ang kaniyang usap sa kahatulan.
[6] Sapagka't siya'y hindi makikilos magpakailan man; ang matuwid ay maaalaalang walang hanggan.
[7] Siya'y hindi matatakot sa mga masamang balita: ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon.
[8] Ang kaniyang puso ay natatag, siya'y hindi matatakot, hanggang sa kaniyang makita ang nasa niya sa kaniyang mga kaaway.
[9] Kaniyang pinanabog, kaniyang ibinigay sa mapagkailangan; ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man, ang kaniyang sungay ay matataas na may karangalan.
[10] Makikita ng masama, at mamamanglaw; siya'y magngangalit ng kaniyang mga ngipin, at matutunaw: ang nasa ng masama ay mapaparam.