Psalmen - Kapitel 104 Kap. 104 - Psalmen
[1] Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila; ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.
[2] Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan; na siyang naguunat ng mga langit na parang tabing:
[3] Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig; na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro; na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:
[4] Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya; ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:
[5] Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailan man,
[6] Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
[7] Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas; sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;
[8] Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis, sa dako mong itinatag ukol sa kanila.
[9] Ikaw ay naglagay ng hangganan upang sila'y huwag makaraan; upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.
[10] Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:
[11] Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang; nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.
[12] Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid, sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
[13] Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid: ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.
[14] Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao: upang siya'y maglabas ng pagkain sa lupa:
[15] At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao, at ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.
[16] Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog; ang mga sedro sa Libano, na kaniyang itinanim;
[17] Na pinamumugaran ng mga ibon: tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.
[18] Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing; ang mga malalaking bato ay kanlungan ng mga coneho.
[19] Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon: nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.
[20] Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi; na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.
[21] Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila, at hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.
[22] Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis, at nangahihiga sa kanilang mga yungib.
[23] Lumalabas ang tao sa kaniyang gawain, at sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.
[24] Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa! sa karunungan ay ginawa mo silang lahat: ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.
[25] Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang, na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay, ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.
[26] Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan: nandoon ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.
[27] Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo, upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.
[28] Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila; iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.
[29] Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag; iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay, at nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.
[30] Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang; at iyong binabago ang balat ng lupa.
[31] Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man; magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:
[32] Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig: kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.
[33] Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay: ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.
[34] Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay: ako'y magagalak sa Panginoon.
[35] Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Purihin ninyo ang Panginoon.