Sprichwörter - Kapitel 4 Kap. 4 - Sprichwörter

Übersetzungen vergleichen

[1]  Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan:

[2]  Sapagka't bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan.

[3]  Sapagka't ako'y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina.

[4]  At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka:

[5]  Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig:

[6]  Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya.

[7]  Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya't kunin mo ang karunungan: Oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.

[8]  Iyong ibunyi siya, at kaniyang itataas ka: kaniyang dadalhin ka sa karangalan, pagka iyong niyakap siya.

[9]  Siya'y magbibigay sa iyong ulo ng pugong na biyaya: isang putong ng kagandahan ay kaniyang ibibigay sa iyo.

[10]  Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.

[11]  Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran.

[12]  Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod.

[13]  Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.

[14]  Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao.

[15]  Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka.

[16]  Sapagka't hindi sila nangatutulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan; at ang kanilang tulog ay napapawi, malibang sila'y makapagpabuwal.

[17]  Sapagka't sila'y nagsisikain ng tinapay ng kasamaan, at nagsisiinom ng alak ng karahasan.

[18]  Nguni't ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw.

[19]  Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.

[20]  Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi.

[21]  Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso.

[22]  Sapagka't buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan.

[23]  Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay,

[24]  Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo.

[25]  Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo.

[26]  Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad.

[27]  Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan.