Sprichwörter - Kapitel 29 Kap. 29 - Sprichwörter
[1] Ang madalas na masaway na nagpapatigas ng kaniyang leeg, biglang mababali, at walang kagamutan.
[2] Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: nguni't pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
[3] Ang umiibig ng karunungan ay nagpapagalak sa kaniyang ama: nguni't ang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng kaniyang tinatangkilik.
[4] Ang hari ay nagtatatag ng lupain sa pamamagitan ng kahatulan: nguni't ang humihingi ng suhol ay gumigiba.
[5] Ang tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.
[6] Sa pagsalangsang ng masamang tao ay may silo: nguni't ang matuwid ay umaawit at nagagalak.
[7] Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.
[8] Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.
[9] Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.
[10] Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.
[11] Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.
[12] Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.
[13] Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.
[14] Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.
[15] Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.
[16] Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
[17] Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.
[18] Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.
[19] Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita: sapagka't bagaman nalalaman niya ay hindi siya makikinig.
[20] Nakikita mo ba ang tao, na nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pagasa pa sa mangmang kay sa kaniya.
[21] Siyang maingat na nagpalaki ng kaniyang lingkod mula sa pagkabata, magiging anak niya siya sa kawakasan.
[22] Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang.
[23] Ang kapalaluan ng tao ay magbababa sa kaniya: nguni't ang may mapagpakumbabang diwa ay magtatamo ng karangalan.
[24] Ang nakikisama sa isang magnanakaw ay nagtatanim sa kaniyang sariling kaluluwa: siya'y nakakarinig ng sumpa at hindi umiimik.
[25] Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.
[26] Marami ang nagsisihanap ng lingap ng pinuno: nguni't ang kahatulan ng tao ay nagmumula sa Panginoon.
[27] Ang di ganap na tao ay karumaldumal sa matuwid: at ang matuwid sa lakad ay karumaldumal sa masama.