Sprichwörter - Kapitel 17 Kap. 17 - Sprichwörter
[1] Maigi ang isang tuyong subo at may katahimikan, kay sa bahay na may laging pistahan na may kaalitan.
[2] Ang lingkod na gumagawang may kapantasan ay nagpupuno sa anak na nakahihiya, at siya'y makakabahagi sa mana ng magkakapatid.
[3] Ang dalisayan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto: nguni't sinusubok ng Panginoon ang mga puso.
[4] Ang manggagawa ng kasamaan ay nakikinig sa masasamang labi; at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.
[5] Sinomang tumutuya sa dukha ay dumudusta sa Maylalang sa kaniya: at ang natutuwa sa kasakunaan ay walang pagsalang parurusahan.
[6] Ang mga anak ng mga anak ay putong ng mga matatandang tao; at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang kanilang mga magulang.
[7] Ang marilag na pananalita ay hindi nagiging mabuti sa mangmang: lalo na ang magdarayang mga labi, sa isang pangulo.
[8] Ang suhol ay parang mahalagang bato sa mga mata ng nagtatamo: saan man pumihit ay gumiginhawa.
[9] Ang nagtatakip ng pagsalangsang ay humahanap ng pagibig: nguni't ang nagdadadaldal tungkol sa anoman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.
[10] Ang saway ay nanasok na taimtim sa isang naguunawa, kay sa isang daang hampas sa mangmang.
[11] Ang hinahanap lamang ng masamang tao ay panghihimagsik; kaya't isang mabagsik na sugo ay susuguin laban sa kaniya.
[12] Masalubong ang tao ng oso na nanakawan ng kaniyang mga anak, maigi kay sa mangmang sa kaniyang kamangmangan.
[13] Sinomang gumaganti ng kasamaan sa mabuti, kasamaan ay hindi hihiwalay sa kaniyang bahay.
[14] Ang pasimula ng pagkakaalit ay gaya ng pagbuga ng tubig: kaya't iwan ninyo ang pagtatalo, bago maginit sa pagkakaalit.
[15] Siya na umaaring ganap sa masama, at siya na nagpaparusa sa matuwid, kapuwa sila kasuklamsuklam sa Panginoon.
[16] Bakit may halaga sa kamay ng mangmang upang ibili ng karunungan, gayong wala siyang pagkaunawa?
[17] Ang kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.
[18] Ang taong walang unawa ay nakikikamay, at nagiging mananagot sa harapan ng kaniyang kapuwa.
[19] Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa pagkakaalit: ang nagtataas ng kaniyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
[20] Siyang may magdarayang puso ay hindi nakakasumpong ng mabuti: at siyang may suwail na dila ay nahuhulog sa karalitaan.
[21] Ang nanganganak ng mangmang ay sa kaniyang kapanglawan: at ang ama ng mangmang ay walang kagalakan.
[22] Ang masayang puso ay mabuting kagamutan: nguni't ang bagbag na diwa ay tumutuyo ng mga buto.
[23] Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa sinapupunan, upang ipahamak ang daan ng kahatulan.
[24] Karunungan ay nasa harap ng mukha ng naguunawa: nguni't ang mga mata ng mangmang ay nasa mga wakas ng lupa.
[25] Ang mangmang na anak ay hirap sa kaniyang ama, at kapaitan sa nanganak sa kaniya.
[26] Parusahan naman ang matuwid ay hindi mabuti, ni saktan man ang mahal na tao dahil sa kanilang katuwiran.
[27] Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman: at siyang may diwang malamig ay taong naguunawa.
[28] Ang mangmang man, pagka siya'y tumatahimik, ay nabibilang na pantas: pagka kaniyang tinitikom ang kaniyang mga labi, ay inaari siyang mabait.