Sprichwörter - Kapitel 15 Kap. 15 - Sprichwörter

Übersetzungen vergleichen

[1]  Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: nguni't ang mabigat na salita ay humihila ng galit.

[2]  Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.

[3]  Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawa't dako, na nagbabantay sa masama at sa mabuti.

[4]  Ang dilang magaling ay punong kahoy ng buhay: nguni't ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa.

[5]  Hinahamak ng mangmang ang saway ng kaniyang ama: nguni't siyang nagpapakundangan ng saway ay gumagawang may kabaitan.

[6]  Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan: nguni't sa mga pakinabang ng masama ay kabagabagan.

[7]  Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman: nguni't ang puso ng mangmang ay hindi gayon.

[8]  Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.

[9]  Ang lakad ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.

[10]  May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad: at siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.

[11]  Sheol at kapahamakan ay nasa harap ng Panginoon: gaanong higit pa nga ang mga puso ng mga anak ng mga tao!

[12]  Ayaw ang manglilibak na siya'y sawayin. Siya'y hindi paroroon sa pantas.

[13]  Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.

[14]  Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan.

[15]  Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama: nguni't siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.

[16]  Maigi ang kaunti na may pagkatakot sa Panginoon, kay sa malaking kayamanan na may kabagabagan.

[17]  Maigi ang pagkaing gulay na may pagibig, kay sa matabang baka at may pagtataniman.

[18]  Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo: nguni't siyang makupad sa galit ay pumapayapa ng kaalitan.

[19]  Ang daan ng tamad ay gaya ng bakuran na mga dawag: nguni't ang landas ng matuwid ay ginagawang maluwang na lansangan.

[20]  Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama: nguni't hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.

[21]  Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni't pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.

[22]  Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.

[23]  Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig: at ang salita sa ukol na panahon, ay anong pagkabuti!

[24]  Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.

[25]  Bubunutin ng Panginoon ang bahay ng palalo: nguni't kaniyang itatatag ang hangganan ng babaing bao.

[26]  Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang mga maligayang salita ay dalisay.

[27]  Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan: nguni't siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.

[28]  Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot: nguni't ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.

[29]  Ang Panginoon ay malayo sa masama: nguni't kaniyang dinidinig ang dalangin ng matuwid.

[30]  Ang liwanag ng mga mata ay nagpapagalak ng puso: at ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.

[31]  Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay, ay tatahan sa gitna ng pantas.

[32]  Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.

[33]  Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng karunungan; at sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.