Lukasevangelium - Kapitel 1 Kap. 1 - Lukasevangelium
[1] Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,
[2] Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita,
[3] Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, kagalanggalang na Teofilo;
[4] Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo.
[5] Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet.
[6] At sila'y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon.
[7] At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon.
[8] Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong,
[9] Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan.
[10] At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan.
[11] At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan.
[12] At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot.
[13] Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.
[14] At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya.
[15] Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.
[16] At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios.
[17] At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.
[18] At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.
[19] At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita.
[20] At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan.
[21] At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo.
[22] At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi.
[23] At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay.
[24] At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi,
[25] Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.
[26] Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret,
[27] Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.
[28] At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo.
[29] Datapuwa't siya'y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.
[30] At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.
[31] At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.
[32] Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:
[33] At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.
[34] At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?
[35] At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.
[36] At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.
[37] Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.
[38] At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.
[39] At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda;
[40] At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet.
[41] At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo;
[42] At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan.
[43] At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin?
[44] Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.
[45] At mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon.
[46] At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
[47] At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.
[48] Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.
[49] Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.
[50] At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi. Sa nangatatakot sa kaniya.
[51] Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.
[52] Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.
[53] Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.
[54] Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa
[55] (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.
[56] At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay.
[57] Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.
[58] At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya.
[59] At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.
[60] At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.
[61] At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.
[62] At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.
[63] At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.
[64] At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.
[65] At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea.
[66] At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.
[67] At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,
[68] Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,
[69] At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin
[70] (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon),
[71] Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;
[72] Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan;
[73] Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,
[74] Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,
[75] Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.
[76] Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;
[77] Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,
[78] Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,
[79] Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
[80] At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.