Ijob - Kapitel 4 Kap. 4 - Ijob

Übersetzungen vergleichen

[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

[2]  Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba? Nguni't sinong makapipigil ng pagsasalita?

[3]  Narito, ikaw ay nagturo sa marami, at iyong pinalakas ang mahinang mga kamay.

[4]  Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal, at iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod.

[5]  Nguni't ngayo'y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay; ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag.

[6]  Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad?

[7]  Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay? O saan nangahiwalay ang mga matuwid?

[8]  Ayon sa aking pagkakita yaong nagsisipagararo ng kasamaan, at nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani.

[9]  Sa hinga ng Dios sila'y nangamamatay, at sa bugso ng kaniyang galit sila'y nangalilipol.

[10]  Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali.

[11]  Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli, at ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat.

[12]  Ngayo'y nadalang lihim sa akin ang isang bagay, at ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon.

[13]  Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao,

[14]  Takot ay dumating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto.

[15]  Nang magkagayo'y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha. Ang balahibo ng aking balat ay nanindig.

[16]  Tumayong nakatigil, nguni't hindi ko mawari ang anyo niyaon; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata: tahimik, at ako'y nakarinig ng tinig, na nagsasabi,

[17]  Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?

[18]  Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod; at inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel:

[19]  Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik, na ang patibayan ay nasa alabok, na napipisang gaya ng paroparo!

[20]  Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba; nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna.

[21]  Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila? Sila'y nangamamatay at walang karunungan.