[1] Oo, dahil din dito'y nanginginig ang aking puso, at napapabago sa kaniyang kinaroroonang dako.
[2] Dinggin ninyo oh dinggin ang hiyaw ng kaniyang tinig, at ang sigaw na lumalabas sa kaniyang bibig.
[3] Kaniyang ipinadadala sa silong ng buong langit, at ang kidlat niya'y sa mga wakas ng lupa.
[4] Sumunod nito'y isang hugong na dumadagundong; siya'y kumukulog ng hugong ng kaniyang karilagan: at hindi tumitigil doon kung naririnig ang kaniyang tinig.
[5] Ang Dios ay kumukulog na kagilagilalas ng kaniyang tinig; dakilang mga bagay ang ginawa niya, na hindi natin matalastas.
[6] Sapagka't sinabi niya sa nieve, Lumagpak ka sa lupa; gayon din sa ambon, at sa bugso ng kaniyang malakas na ulan,
[7] Tinatatakan niya ang kamay ng bawa't tao: upang maalaman ng lahat ng mga tao na kaniyang nilalang.
[8] Kung gayo'y nagsisipasok ang mga hayop sa mga lungga, at namamalagi sa kanilang mga tahanan.
[9] Mula sa timog nanggagaling ang bagyo: at ang ginaw ay mula sa hilagaan.
[10] Sa pamamagitan ng hinga ng Dios ay nayayari ang hielo: at ang kaluwangan ng tubig ay naiipit.
[11] Oo, kaniyang nilalagyan ang masinsing ulap ng halomigmig; kaniyang pinangangalat ang alapaap ng kaniyang kidlat:
[12] At pumipihit sa palibot sa pamamagitan ng kaniyang patnubay, upang kanilang gawin ang anomang iutos niya sa kanila, sa ibabaw ng balat ng sanglibutang natatahanan:
[13] Maging sa saway, o maging sa kaniyang lupain, o maging sa kaawaan ay pinalilitaw niya.
[14] Dinggin mo ito, Oh Job: Tumigil ka, at bulayin ang kagilagilalas na mga gawa ng Dios.
[15] Nalalaman mo ba kung paanong pinararatangan sila ng Dios, at pinasisilang ang kidlat ng kaniyang alapaap?
[16] Nalalaman mo ba ang mga pagtitimbang ng mga alapaap, ang kagilagilalas na mga gawa niya na sakdal sa kaalaman?
[17] Paanong umiinit ang inyong mga suot, pagka tumatahimik ang lupa sa pamamagitan ng hanging timugan?
[18] Mailalatag mo ba na kasama niya ang langit, na matibay na gaya ng isang salaming binubo?
[19] Ituro mo sa amin kung anong aming sasabihin sa kaniya; sapagka't hindi namin maayos ang aming pananalita dahil sa kadiliman.
[20] Sasaysayin ba sa kaniya na ako'y magsasalita? O iisipin ba ng isang tao na siya'y sasakmalin.
[21] At ngayo'y hindi nakikita ng mga tao ang makinang na liwanag na nasa mga langit: nguni't ang hangin ay dumadaan, at pinapalis ang mga yaon.
[22] Karilagang ginto ay nagmumula sa hilagaan; may taglay ang Dios na kakilakilabot na karilagan.
[23] Tungkol sa Makapangyarihan sa lahat, hindi natin mauunawa; siya'y marilag sa kapangyarihan; at sa kahatulan at saganang kaganapan siya'y hindi pipighati.
[24] Kinatatakutan nga siya ng mga tao: hindi niya binibigyang pitagan ang sinomang pantas sa puso.