Ijob - Kapitel 30 Kap. 30 - Ijob

Übersetzungen vergleichen

[1]  Nguni't ngayo'y silang bata kay sa akin ay nagsisitawa sa akin, na ang mga magulang ay di ko ibig na malagay na kasama ng mga aso ng aking kawan.

[2]  Oo, ang kalakasan ng kanilang kamay, sa ano ko mapapakinabangan? Mga taong ang kalusugan ng gulang ay lumipas na.

[3]  Sila'y lata sa pangangailangan at sa kagutom; kanilang nginangata ang tuyong lupa, sa kadiliman ng kasalatan at kapahamakan.

[4]  Sila'y nagsisibunot ng mga malvas sa tabi ng mabababang punong kahoy; at ang mga ugat ng enebro ay siyang kanilang pinakapagkain.

[5]  Sila'y pinalayas mula sa gitna ng mga tao; sila'y sumisigaw sa likuran nila, na gaya ng sa likuran ng isang magnanakaw.

[6]  Upang sila'y magsitahan sa nakatatakot na mga libis, sa mga puwang ng lupa, at ng mga bato.

[7]  Sa gitna ng mabababang punong kahoy ay nagsisiangal; sa ilalim ng mga tinikan ay nangapipisan.

[8]  Mga anak ng mga mangmang, oo, mga anak ng mga walang puring tao; sila'y mga itinapon mula sa lupain.

[9]  At ngayon ay naging kantahin nila ako, Oo, ako'y kasabihan sa kanila.

[10]  Kanilang kinayayamutan ako, nilalayuan nila ako, at hindi sila nagpipigil ng paglura sa aking mukha.

[11]  Sapagka't kinalag niya ang kaniyang panali, at pinighati ako, at kanilang inalis ang paningkaw sa harap ko.

[12]  Sa aking kanan ay tumatayo ang tanga; itinutulak nila ang aking mga paa, at kanilang pinapatag laban sa akin ang kanilang mga paraan ng paghamak.

[13]  Kanilang sinisira ang aking landas, kanilang isinusulong ang aking kapahamakan, mga taong walang tumulong.

[14]  Tila dumarating sila sa isang maluwang na pasukan: sa gitna ng kasiraan ay nagsisigulong sila.

[15]  Mga kakilabutan ay dumadagan sa akin, kanilang tinatangay ang aking karangalan na gaya ng hangin; at ang aking kaginhawahan ay napaparam na parang alapaap.

[16]  At ngayo'y nanglulupaypay ang aking kaluluwa sa loob ko; mga kaarawan ng pagkapighati ay humawak sa akin.

[17]  Sa gabi ay nagaantakan ang aking mga buto, at ang mga antak na nagpapahirap sa akin ay hindi nagpapahinga.

[18]  Sa matinding karahasan ng aking sakit ay nagiging katuwa ang aking suot: tumatali sa akin sa palibot na gaya ng leeg ng aking baro.

[19]  Inihahagis niya ako sa banlik, at ako'y naging parang alabok at mga abo.

[20]  Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot: ako'y tumatayo, at minamasdan mo ako.

[21]  Ikaw ay naging mabagsik sa akin: sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong kamay ay hinahabol mo ako.

[22]  Itinataas mo ako sa hangin, pinasasakay mo ako roon; at tinutunaw mo ako sa bagyo.

[23]  Sapagka't talastas ko na iyong dadalhin ako sa kamatayan, at sa bahay na takda sa lahat na may buhay.

[24]  Gayon man ang isa ay di ba naguunat ng kamay sa kaniyang pagkahulog? O sa kaniyang kasakunaan kung kaya sisigaw ng tulong?

[25]  Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan? Hindi ba ang aking kaluluwa ay nakikidamay sa mapagkailangan?

[26]  Pagka ako'y humahanap ng mabuti, ang kasamaan nga ang dumarating: at pagka ako'y naghihintay ng liwanag ay kadiliman ang dumarating.

[27]  Ang aking puso'y nababagabag at walang pahinga; mga araw ng kapighatian ay dumating sa akin.

[28]  Ako'y yumayaong tumatangis na walang araw; ako'y tumatayo sa kapulungan at humihinging tulong.

[29]  Ako'y kapatid ng mga chakal, at mga kasama ng mga avestruz.

[30]  Ang aking balat ay maitim, at natutuklap, at ang aking mga buto ay nagpapaltos.

[31]  Kaya't ang aking alpa ay naging panangis, at ang aking flauta ay naging tinig ng umiiyak.