[1] Narito, nakita ang lahat na ito ng aking mata, ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
[2] Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman: hindi ako huli sa inyo.
[3] Walang pagsalang ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat, at nagnanasa akong makipagmatuwiranan sa Dios.
[4] Nguni't kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan. Kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
[5] Mano nawa ay magsitahimik kayong lahat! At magiging inyong karunungan.
[6] Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran, at inyong dinggin ang mga pagsasanggalang ng aking mga labi.
[7] Kayo ba'y mangagsasalita ng kalikuan dahil sa Dios, at mangungusap ng karayaan dahil sa kaniya?
[8] Inyo bang lilingapin ang kaniyang pagka Dios? Inyo bang ipakikipagtalo ang Dios?
[9] Mabuti ba na kayo'y siyasatin niya? O kung paanong dinadaya ang isang tao ay inyo bang dadayain siya?
[10] Walang pagsalang sasawayin niya kayo, kung lihim na kayo'y tatangi ng pagkatao.
[11] Hindi ba kayo tatakutin ng kaniyang karilagan, at ang gulat sa kaniya ay sasa inyo?
[12] Ang inyong mga alaalang sabi ay kawikaang abo, ang inyong mga pagsasanggalang ay mga pagsasanggalang na putik.
[13] Magsitahimik kayo, bayaan ninyo ako, na ako'y makapagsalita, at paratingin sa akin ang darating.
[14] Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman, at aking ilalagay ang aking buhay sa aking kamay?
[15] Bagaman ako'y patayin niya, akin ding hihintayin siya: gayon ma'y aking aalalayan ang aking mga lakad sa harap niya.
[16] Ito man ay magiging aking kaligtasan; sapagka't ang isang di banal ay hindi makahaharap sa kaniya.
[17] Pakinggan ninyong masikap ang aking pananalita, at ang aking pahayag ay sumainyong mga pakinig.
[18] Narito, ngayon, aking inayos ang aking usap; talastas ko na ako'y matuwid.
[19] Sino ang makikipagtalo sa akin? Sapagka't ngayo'y tatahimik ako at malalagot ang aking hininga.
[20] Dalawang bagay lamang ang huwag mong gawin sa akin, kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
[21] Iurong mo ng malayo ang iyong kamay sa akin; at huwag akong takutin ng pangingilabot sa iyo.
[22] Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot; o papagsalitain mo ako, at sumagot ka sa akin.
[23] Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan? Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
[24] Bakit ikinukubli mo ang iyong mukha, at inaari mo akong iyong kaaway?
[25] Iyo bang pangingilabutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin? At iyo bang hahabulin ang dayaming tuyo?
[26] Sapagka't ikaw ay sumusulat ng mga mabigat na bagay laban sa akin, at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan:
[27] Iyo ring inilalagay ang aking mga paa sa pangawan, at pinupuna mo ang lahat kong landas: ikaw ay gumuguhit ng isang guhit sa palibot ng mga talampakan ng aking mga paa:
[28] Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw, na parang damit na kinain ng tanga.