Hosea - Kapitel 10 Kap. 10 - Hosea

Übersetzungen vergleichen

[1]  Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga: ayon sa karamihan ng kaniyang bunga kaniyang pinarami ang kaniyang mga dambana; ayon sa kabutihan ng kaniyang lupain ay nagsigawa sila ng mga mainam na haligi.

[2]  Ang kanilang puso ay nahati; ngayo'y mangasusumpungan silang salarin: kaniyang ibabagsak ang kanilang mga dambana, kaniyang sasamsamin ang kanilang mga haligi.

[3]  Walang pagsalang ngayo'y kanilang sasabihin, Kami ay walang hari; sapagka't kami ay hindi nangatatakot sa Panginoon; at ang hari, ano ang magagawa niya para sa atin?

[4]  Sila'y nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita, na nagsisisumpa ng di totoo sa paggawa ng mga tipan: kaya't ang kahatulan ay lumilitaw na parang ajenjo sa mga bungkal sa parang.

[5]  Ang mga nananahan sa Samaria ay malalagay sa pangingilabot dahil sa mga guya ng Beth-aven; sapagka't ang bayan niyaon ay mananangis doon, at ang mga saserdote niyaon na nangagagalak doon, dahil sa kaluwalhatian niyaon, sapagka't nawala roon.

[6]  Dadalhin din naman sa Asiria na pinakakaloob sa haring Jareb: ang Ephraim ay tatanggap ng kahihiyan, at ang Israel ay mapapahiya sa kaniyang sariling payo.

[7]  Tungkol sa Samaria, ang kaniyang hari ay nahiwalay, na parang bula sa tubig.

[8]  Ang mataas na dako naman ng Aven, ang kasalanan ng Israel ay masisira: ang mga tinik at ang mga dawag ay sisibol sa kanilang mga dambana; at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami; at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.

[9]  Oh Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga kaarawan ng Gabaa: doon sila nagsitayo; ang pagbabaka laban sa mga anak ng kasamaan ay hindi aabot sa kanila sa Gabaa.

[10]  Pagka siya kong nasa, ay aking parurusahan sila; at ang mga bayan ay magpipisan laban sa kanila, pagka sila'y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.

[11]  At ang Ephraim ay isang dumalagang baka na tinuturuan, na maibigin sa pagiik ng trigo; nguni't aking pinararaan ang pamatok sa kaniyang magandang leeg: ako'y maglalagay ng isang mananakay sa Ephraim; magaararo ang Juda, dudurugin ng Jacob ang kaniyang mga bugal.

[12]  Mangaghasik kayo sa inyong sarili sa katuwiran, magsigapas kayo ayon sa kaawaan; bungkalin ninyo ang inyong pinabayaang bukiran; sapagka't panahon na hanapin ang Panginoon, hanggang sa siya'y dumating, at magdala ng katuwiran sa inyo.

[13]  Kayo'y nangaghasik ng kasamaan, kayo'y nagsiani ng kasalanan; kayo'y nagsikain ng bunga ng kabulaanan; sapagka't ikaw ay tumiwala sa iyong lakad, sa karamihan ng iyong makapangyarihang lalake.

[14]  Kaya't babangon ang isang kagulo sa iyong mga bayan, at lahat ng iyong mga katibayan ay magigiba, na gaya ni Salman na gumiba sa Beth-arbel sa kaarawan ng pagbabaka: ang ina ay pinaglurayluray na kasama ng kaniyang mga anak.

[15]  Gayon ang gagawin ng Beth-el sa inyo dahil sa inyong malaking kasamaan: sa pagbubukang liwayway, ang hari ng Israel ay lubos na mahihiwalay.