Ezechiel - Kapitel 4 Kap. 4 - Ezechiel
[1] Ikaw naman, anak ng tao, kumuha ka ng isang losa, at ilagay mo sa harap mo, at gumuhit ka sa ibabaw ng isang bayan, sa makatuwid baga'y ng Jerusalem.
[2] At kubkubin mo, at magtayo ka ng mga katibayan sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon; maglagay ka rin ng mga kampamento sa tapat noon; at magumang ka ng mga pangsaksak sa tapat noon sa palibot.
[3] At magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo na pinakakutang bakal sa pagitan mo at ng bayan: at iharap mo ang iyong mukha sa dako niyaon, at makukubkob, at iyong kukubkubin. Ito ang magiging tanda sa sangbahayan ni Israel.
[4] Bukod dito'y humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel doon; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga roon, magdadanas ka ng kanilang kasamaan.
[5] Sapagka't aking itinakda ang mga taon ng kanilang kasamaan upang maging sa iyo'y isang bilang ng mga araw, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw: gayon mo dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel.
[6] At muli, pagka iyong natapos ang mga ito, ikaw ay hihiga sa iyong tagilirang kanan, at iyong dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Juda; apat na pung araw, bawa't araw ay pinaka isang taon, aking itinakda sa iyo.
[7] At iyong ihaharap ang iyong mukha sa pagkubkob ng Jerusalem na may lilis kang manggas; at ikaw ay manghuhula laban doon.
[8] At, narito, ipinaglalagay kita ng lubid, at ikaw ay huwag magpapalikoliko mula sa isang dako hanggang sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga kaarawan ng iyong pagkubkob.
[9] Magdala ka rin ng trigo, at ng cebada, at ng habas, at ng lentejas, at ng mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga sa iyong tagiliran, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw, iyong kakanin yaon.
[10] At ang iyong pagkain na iyong kakanin ay magiging ayon sa timbang, dalawang pung siklo isang araw: araw-araw ay iyong kakanin.
[11] At ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin: araw-araw ikaw ay iinom.
[12] At iyong kakaning parang mga munting tinapay na cebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.
[13] At sinabi ng Panginoon, Ganito kakanin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.
[14] Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, ang aking kaluluwa ay hindi nadumhan, sapagka't mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay hindi ako kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.
[15] Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Tingnan mo, ibinigay ko sa iyo'y dumi ng baka na kahalili ng dumi ng tao, at iyong ihahanda ang iyong tinapay sa ibabaw niyaon.
[16] Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, narito, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem: at sila'y magsisikain ng tinapay ayon sa timbang, at may pagkatakot; at magsisiinom sila ng tubig ayon sa takal, at manglulupaypay:
[17] Upang sila'y mangailangan ng tinapay at tubig, at manglupaypay na magkakasama, at manganlata sa kanilang kasamaan.