Ezechiel - Kapitel 29 Kap. 29 - Ezechiel
[1] Nang ikasangpung taon, nang ikasangpung buwan, nang ikalabing dalawang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
[2] Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari sa Egipto, at manghula ka laban sa kaniya, at laban sa buong Egipto;
[3] Iyong salitain, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y lalaban sa iyo, Faraong hari sa Egipto, na malaking buwaya na nahihiga sa gitna ng kaniyang mga ilog, na nagsabi: Ang ilog ko ay aking sarili, at aking ginawa sa ganang aking sarili.
[4] At kakawitan kita ng mga pangbingwit sa iyong mga panga, at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis; at isasampa kita mula sa gitna ng iyong mga ilog, na kasama ng lahat na isda ng iyong mga ilog na magsisidikit sa iyong mga kaliskis.
[5] At ikaw ay aking iiwan tapon sa ilang, ikaw at ang lahat na isda ng iyong mga ilog: ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang; ikaw ay hindi pipisanin, o pupulutin man; aking ibinigay kang pagkain sa mga hayop sa lupa, at sa mga ibon sa himpapawid.
[6] At lahat ng nananahan sa Egipto ay makakaalam na ako ang Panginoon, sapagka't sila'y naging tukod na tambo sa sangbahayan ni Israel.
[7] Nang kanilang pigilan ka sa iyong kamay, iyong binali, at iyong nilabnot ang kanilang mga balikat; at nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian, at iyong pinapanghina ang kanilang mga balakang.
[8] Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, pagdadalhan kita ng tabak sa iyo, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.
[9] At ang lupain ng Egipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka't kaniyang sinabi, Ang ilog ay akin, at aking ginawa;
[10] Kaya't, narito, ako'y laban sa iyo, at laban sa iyong mga ilog, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Egipto, mula sa moog ng Seveneh hanggang sa hangganan ng Etiopia.
[11] Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop ay daraan doon, o tatahanan man siyang apat na pung taon.
[12] At aking gagawing sira ang lupain ng Egipto sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan sa gitna ng mga bayang giba ay magiging sira na apat na pung taon; at aking pangangalatin ang mga taga Egipto sa gitna ng mga bansa, at aking pananabugin sila sa mga lupain.
[13] Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa katapusan ng apat na pung taon ay aking pipisanin ang mga taga Egipto, mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;
[14] At aking ibabalik uli ang mga bihag sa Egipto, at aking pababalikin sila sa lupain ng Patros, na lupain na kinapanganakan sa kanila; at sila'y magiging doo'y isang mababang kaharian.
[15] Siyang magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na matataas pa man ng higit kay sa mga bansa: at aking babawasan sila, upang huwag na silang magpuno sa mga bansa.
[16] At hindi na magiging pagasa pa ng sangbahayan ni Israel, na nagpapaalaala ng kasamaan, pagka kanilang lilingunin sila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoong Dios.
[17] At nangyari, nang ikadalawang pu't pitong taon, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi:
[18] Anak ng tao, pinapaglilingkod ng mabigat ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia ang kaniyang kawal laban sa Tiro: lahat ng ulo ay nakalbo, at lahat ng balikat ay nalabnot; gayon ma'y wala siyang kaupahan, o ang kaniyang hukbo man, mula sa Tiro, sa paglilingkod na kaniyang ipinaglingkod laban doon.
[19] Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Egipto kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia; at dadalhin niya ang kaniyang karamihan, at kukunin ang samsam sa kaniya, at kukunin ang huli sa kaniya; at magiging kaupahan para sa kaniyang hukbo.
[20] Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto na pinakaganti sa kaniya dahil sa kaniyang ipinaglingkod, sapagka't sila'y nagsipagpagal ng dahil sa akin, sabi ng Panginoong Dios.
[21] Sa araw na yao'y aking palilitawin ang isang sungay upang tumulong sa sangbahayan ni Israel, at aking papangyayarihin ang iyong salita sa gitna nila: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.