Exodus - Kapitel 22 Kap. 22 - Exodus

Übersetzungen vergleichen

[1]  Kung ang isang lalake ay magnakaw ng isang baka, o ng isang tupa at patayin, o ipagbili: ay kaniyang pagbabayaran ng limang baka ang isang baka, at ng apat na tupa ang isang tupa.

[2]  Kung ang isang magnanakaw ay masumpungan, na naninira, at masaktan na ano pa't namatay ay hindi aariing mamamataytao ang pumatay.

[3]  Kung sikatan siya ng araw, ay aariin siyang mamamataytao; siya'y dapat magsauli ng kabayaran: kung siya'y wala ay ipagbibili siya dahil sa kaniyang ninakaw.

[4]  Kung ang ninakaw ay masumpungang buhay sa kaniyang kamay, maging baka, o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng ibayo.

[5]  Kung ang sinoman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pawalan ang kaniyang hayop at pastulin sa bukid ng iba; sa pinakamainam sa kaniyang sariling parang, at sa pinakamainam sa kaniyang sariling ubasan, ay sasaulian niya.

[6]  Kung may magningas na apoy, at magtangay ng mga tinik, na ano pa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ay tunay na magbabayad yaong nagpaningas ng apoy.

[7]  Kung ang sinoman ay magpatago sa kaniyang kapuwa ng salapi o pag-aari, at nakawin sa bahay ng taong yaon; kung masumpungan ang magnanakaw, ay magbabayad ng ibayo.

[8]  Kung hindi masumpungan ang magnanakaw, ay lalapit ang may-ari ng bahay sa Dios, upang maalaman kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa.

[9]  Sapagka't lahat ng bagay na pagsalangsang, maging sa baka, sa asno, sa tupa, sa damit, o sa anomang bagay na nawala, na may magsabi, Ito nga ay akin; ay dadalhin sa harap ng Dios ang usap ng dalawa; yaong parurusahan ng Dios ay magbabayad ng ibayo sa kaniyang kapuwa.

[10]  Kung ang sinoman ay maghabilin sa kaniyang kapuwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anomang hayop; at mamatay, o masasaktan, o maagaw, na walang nakakakitang sinoman:

[11]  Ay pamamagitanan silang dalawa ng pagsumpa sa Panginoon kung hindi niya pinakialaman ang pag-aari ng kaniyang kapuwa; at tatanggapin ng may-ari, at siya'y hindi magsasauli.

[12]  Datapuwa't kung kaniyang ninakaw sa kaniya ay sasaulian niya ang may-ari niyaon.

[13]  Kung nalapa ay dadalhing pinakapatotoo, at hindi sasaulian ang nalapa.

[14]  At kung ang sinoman ay humiram ng anoman sa kaniyang kapuwa, at masaktan, o mamatay, na hindi kaharap ang may-ari, ay walang pagsala na siya'y magsasauli.

[15]  Kung ang may-ari niyaon ay kaharap, ay hindi niya sasaulian; kung isang bagay na pinauupahan ay ihuhulog sa kaniyang kaupahan.

[16]  At kung dayain ng isang lalake ang isang dalaga, na hindi pa niya nagiging asawa at kaniyang sipingan, ay tunay na kaniyang ipagbabayad ng bigay-kaya upang maging asawa niya.

[17]  Kung itangging mainam ng kaniyang ama na ibigay sa kaniya, ay magbabayad siya ng salapi, ayon sa bigay-kaya sa mga dalaga.

[18]  Huwag mong babatahing mabuhay ang isang babaing manggagaway.

[19]  Sinomang makiapid sa isang hayop ay papataying walang pagsala.

[20]  Yaong maghain sa anomang dios, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na papatayin.

[21]  At ang taga ibang lupa ay huwag mong aapihin, o pipighatiin man; sapagka't kayo'y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto.

[22]  Huwag mong papagdadalamhatiin ang sinomang babaing bao, o ulila.

[23]  Kung iyong dalamhatiin sila sa anomang paraan, at sila'y dumaing sa akin, ay walang pagsala, na aking didinggin ang kanilang daing;

[24]  At ang aking pagiinit ay magaalab, at aking papatayin kayo ng tabak; at ang inyong mga asawa ay magiging mga bao, at ang inyong mga anak ay mga ulila.

[25]  Kung magpautang ka ng salapi sa kanino man sa aking bayan na kasama mo na dukha, huwag kang magpapakamanunubo sa kaniya ni hihingan mo man siya ng tubo.

[26]  Kung iyong tanggapin sa anoman ang damit ng iyong kapuwa na pinakasangla, ay iyong isasauli sa kaniya bago lumubog ang araw;

[27]  Sapagka't iyan ang kaniya lamang pangbihis, siyang kaniyang pangdamit sa kaniyang balat: ano ngang kaniyang ipangtutulog? at mangyayari, na pagka siya'y dumaing sa akin, ay aking didinggin; sapagka't ako'y mapagbiyaya.

[28]  Huwag mong lalapastanganin ang Dios, ni susumpain man ang pinuno sa iyong bayan.

[29]  Huwag kang magmamakupad ng paghahandog ng iyong mga ani, at ng tulo ng iyong mga pigaan. Ang panganay sa iyong mga anak na lalake ay ibibigay mo sa akin.

[30]  Gayon din ang gagawin mo sa iyong mga baka, at sa iyong mga tupa: pitong araw na mapapa sa kaniyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo sa akin.

[31]  At kayo'y magpapakabanal na tao sa akin: na ano pa't huwag kayong kakain ng anomang laman, na nalapa ng ganid sa parang; inyong ihahagis sa mga asno.