Deuteronomium - Kapitel 33 Kap. 33 - Deuteronomium
[1] At ito ang basbas na ibinasbas ni Moises, tao ng Dios, sa mga anak ni Israel bago siya namatay.
[2] At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai, At bumangon mula sa Seir na patungo sa kanila; Siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran, At siya'y nanggaling sa laksa-laksa ng mga banal: Sa kaniyang kanan, ay may hawak na isang mahigpit na kautusan sa kanila.
[3] Oo't kaniyang iniibig ang bayan: Lahat ng kaniyang mga banal ay nasa iyong kamay: At sila'y umupo sa iyong paanan; Na bawa't isa'y tatanggap ng iyong mga salita.
[4] Si Moises ay nagutos sa atin ng isang kautusan, Na mana sa kapisanan ng Jacob.
[5] At siya'y hari sa Jeshurun, Nang magkatipon ang mga pangulo ng bayan, Sangpu ng lahat ng mga lipi ni Israel.
[6] Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay; Gayon ma'y kumaunti nawa ang kaniyang mga tao.
[7] At ito ang basbas sa Juda; at kaniyang sinabi, Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda, At padatnin mo sa kaniyang bayan: Sukat na sa kaniya ang kaniyang mga kamay; At ikaw ay maging tulong laban sa kaniyang mga kaalit.
[8] At tungkol sa Levi ay kaniyang sinabi, Ang iyong Thummim at ang iyong Urim ay sumaiyong banal, Na siyang iyong sinubok sa Massa, Na siya mong kinatunggali sa tubig ng Meriba;
[9] Na siyang nagsabi tungkol sa kaniyang ama, at tungkol sa kaniyang ina, Hindi ko siya nakita; Ni kinilala niya ang kaniyang mga kapatid, Ni kinilala niya ang kaniyang sariling mga anak; Sapagka't kanilang sinunod ang iyong salita, At ginaganap ang iyong tipan.
[10] Sila'y magtuturo sa Jacob ng iyong mga kahatulan, At ng iyong mga kautusan, sa Israel; Sila'y maglalagay ng kamangyan sa harap mo, At ng buong handog na susunugin sa ibabaw ng iyong dambana.
[11] Basbasan mo, Panginoon, ang kaniyang tinatangkilik, At tanggapin mo ang gawa ng kaniyang mga kamay; Saktan mo ang mga balakang niyaong nagsisibangon laban sa kaniya, At niyaong nangapopoot sa kaniya, upang sila'y huwag bumangon uli.
[12] Tungkol sa Benjamin, ay kaniyang sinabi, Ang minamahal ng Panginoon ay tatahang ligtas sa siping niya; Siya'y kakanlungan niya buong araw, At siya'y mananahan sa pagitan ng kaniyang mga balikat.
[13] At tungkol sa Jose ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa ng Panginoon ang kaniyang lupain, Sa mga mahalagang bagay ng langit, sa hamog, At sa kalaliman na nasa ilalim niya,
[14] At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng araw, At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng buwan,
[15] At sa pinakamarikit na mga bagay ng matandang bundok, At sa mga mahalagang bagay ng mga burol na walang hanggan,
[16] At sa mga mahalagang bagay ng lupa at ng kapunuan niyaon, At ang mabuting kalooban niyaong tumahan sa mababang punong kahoy: Sumaulo nawa ni Jose ang kapalaran, At sa tuktok ng ulo niya na hiwalay sa kaniyang mga kapatid.
[17] Ang panganay ng kaniyang baka, na may kamahalan; At ang mga sungay niyaon ay parang mga sungay ng mabangis na toro: Siya niyang ipantutulak sa mga bayan, lahat sa kanila, kahit na nasa mga hangganan ng lupa: At sila ang laksa-laksa ng Ephraim, At sila ang libolibo ng Manases.
[18] At tungkol sa Zabulon ay kaniyang sinabi, Magalak ka, Zabulon, sa iyong paglabas; At ikaw, Issachar, sa iyong mga tolda.
[19] Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok; Doo'y maghahandog sila ng mga hain ng katuwiran: Sapagka't kanilang hihititin ang mga kasaganaan ng mga dagat, At ang natatagong kayamanan sa buhanginan.
[20] At tungkol sa Gad, ay kaniyang sinabi, Pagpalain yaong magpalaki sa Gad: Siya'y tumatahan parang isang leona, At dudurog ng bisig, sangpu ng bao ng ulo.
[21] At kaniyang inagap ang unang bahagi para sa kaniya, Sapagka't doon natago ang bahagi ng gumagawa ng kautusan; At siya'y pumaroong kasama ng mga pangulo ng bayan, Kaniyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon, At ang kaniyang mga kahatulan sa Israel.
[22] At tungkol sa Dan ay kaniyang sinabi, Ang Dan ay anak ng leon, Na lumukso mula sa Basan.
[23] At tungkol sa Nephtali ay kaniyang sinabi, Oh Nephtali, busog ng lingap, At puspos ng pagpapala ng Panginoon: Ariin mo ang kalunuran at ang timugan.
[24] At tungkol sa Aser ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa sa mga anak ang Aser, Mahalin nawa siya ng kaniyang mga kapatid, At ilubog ang kaniyang paa sa langis.
[25] Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso; At kung paano ang iyong mga kaarawan ay magkagayon nawa ang iyong lakas.
[26] Walang gaya ng Dios, Oh Jeshurun, Na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo, At sa himpapawid dahil sa kaniyang karangalan.
[27] Ang walang hanggang Dios ay iyong dakong tahanan, At sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig: At kaniyang itinutulak sa harap mo ang kaaway, At sinabi, Lansagin mo.
[28] At ang Israel ay tumatahang tiwala, Ang bukal ng Jacob na nagiisa, Sa isang lupain ng trigo at alak; Oo't, ang kaniyang mga langit ay nagbababa ng hamog.
[29] Maginhawa ka, Oh Israel: Sino ang gaya mo, bayang iniligtas ng Panginoon, Ng kalasag na iyong tulong, At siyang tabak ng iyong karangalan! At ang iyong mga kaaway ay susuko sa iyo: At ikaw ay tutungtong sa kanilang mga matataas na dako.