2. Korintherbrief - Kapitel 2 Kap. 2 - 2. Korintherbrief
[1] Datapuwa't ito'y ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may kalumbayan.
[2] Sapagka't kung kayo'y palulumbayin ko, sino nga ang sa akin ay magpapagalak, kundi yaong pinalulumbay ko?
[3] At aking isinulat ang bagay ring ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalumbayan doon sa mga nararapat kong ikagalak; sa pagkakatiwala sa inyong lahat, na ang aking kagalakan ay kagalakan ninyong lahat.
[4] Sapagka't sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo.
[5] Datapuwa't kung ang sinoman ay nakapagpalumbay, hindi ako ang pinalumbay niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat (upang huwag kong higpitang totoo).
[6] Sukat na sa gayon ang kaparusahang ito na ipinarusa ng marami;
[7] Upang bagkus ninyong patawarin siya at aliwin siya, baka sa anomang paraan ay madaig ang gayon ng kaniyang malabis na kalumbayan.
[8] Dahil dito'y ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pagibig sa kaniya.
[9] Sapagka't dahil din sa bagay na ito ay sumulat ako, upang aking makilala ang katunayan tungkol sa inyo, kung kayo'y mga matalimahin sa lahat ng mga bagay.
[10] Datapuwa't ang inyong pinatatawad ng anoman ay pinatatawad ko rin naman: sapagka't ang aking ipinatawad naman, kung ako'y nagpapatawad ng anoman, ay dahil sa inyo, sa harapan ni Cristo;
[11] Upang huwag kaming malamangan ni Satanas: sapagka't kami ay hindi hangal sa kaniyang mga lalang.
[12] Nang ako'y dumating nga sa Troas dahil sa evangelio ni Cristo, at nang mabuksan sa akin ang isang pinto sa Panginoon,
[13] Ay hindi ako nagkaroon ng katiwasayan sa aking espiritu, sapagka't hindi ko nasumpungan si Tito na kapatid ko: datapuwa't pagkapagpaalam ko sa kanila, ako'y napasa Macedonia.
[14] Datapuwa't salamat sa Dios, na laging pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako.
[15] Sapagka't sa mga inililigtas, at sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Dios;
[16] Sa isa ay samyo mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat sa mga bagay na ito?
[17] Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Dios: kundi sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami para kay Cristo.