1. Timotheusbrief - Kapitel 2 Kap. 2 - 1. Timotheusbrief

Übersetzungen vergleichen

[1]  Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao;

[2]  Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.

[3]  Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;

[4]  Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.

[5]  Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,

[6]  Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;

[7]  Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.

[8]  Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin sa bawa't dako, na iunat ang mga kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo.

[9]  Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga;

[10]  Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

[11]  Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop.

[12]  Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik.

[13]  Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva;

[14]  At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang;

[15]  Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon.