[1]  Nguni't sa mga huling araw ay mangyayari, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at matataas sa mga burol; at mga tao'y paroroon sa kaniya.

[1]  ---

[2]  At maraming bansa'y magsisiparoo't mangagsasabi, Magsiparito kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, at sa bahay ng Dios ni Jacob; at siya'y magtuturo sa atin ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas. Sapagka't sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem;

[2]  ---

[3]  At siya'y hahatol sa gitna ng maraming bayan, at sasaway sa mga matibay na bansa sa malayo: at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsud, at ang kanilang mga sibat upang maging karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magaaral pa man ng pakikipagdigma.

[3]  ---

[4]  Kundi sila'y uupo bawa't isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos; at walang tatakot sa kanila: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.

[4]  ---

[5]  Sapagka't ang lahat na bayan ay magsisilakad bawa't isa sa pangalan ng kanikaniyang dios: at tayo'y magsisilakad sa pangalan ng Panginoon nating Dios magpakailan kailan man.

[5]  ---

[6]  Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, aking pipisanin siya na napipilay, at aking titipunin siya na natapon, at siya na aking pinagdalamhati;

[6]  ---

[7]  At aking gagawin ang pilay na isang nalabi, at ang natapon sa malayo na isang matibay na bansa: at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Sion mula ngayon hanggang sa walang hanggan.

[7]  ---

[8]  At ikaw, oh moog ng kawan, na burol ng anak na babae ng Sion, ito sa iyo'y darating, oo, ang dating kapangyarihan ay darating, ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.

[8]  ---

[9]  Ngayo'y bakit ka sumisigaw ng malakas? Wala ka bagang hari, ang iyo bagang kasangguni ay namatay, upang ang mga paghihirap ay suma iyo na gaya ng babae sa pagdaramdam?

[9]  ---

[10]  Magdamdam ka, at magtiis ka ng hirap, Oh anak na babae ng Sion, na gaya ng babae sa pagdaramdam: sapagka't ngayo'y lalabas ka sa bayan, at ikaw ay tatahan sa parang, at ikaw ay darating hanggang sa Babilonia: doon ka maliligtas; doon ka tutubusin ng Panginoon sa kamay ng iyong mga kaaway.

[10]  ---

[11]  At ngayo'y maraming bansa ay nangagpupulong laban sa iyo, na nangagsasabi, Madumhan siya, at makita ng ating mata ang nasa natin sa Sion.

[11]  ---

[12]  Nguni't hindi nila nalalaman ang mga pagiisip ng Panginoon, ni nauunawa man nila ang kaniyang payo; sapagka't kaniyang pinisan sila na parang mga bigkis sa giikan.

[12]  ---

[13]  Ikaw ay bumangon, at gumiik, Oh anak na babae ng Sion; sapagka't aking gagawing bakal ang iyong sungay, at aking gagawing tanso ang iyong mga kuko; at iyong pagluluraylurayin ang maraming bayan: at iyong itatalaga ang kanilang pakinabang sa Panginoon, at ang kanilang pag-aari ay sa Panginoon ng buong lupa.

[13]  ---