[1] Ang mga salita ng haring Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.
[2] Ano anak ko? at ano, Oh anak ng aking bahay-bata? At ano, Oh anak ng aking mga panata?
[3] Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae, o ang iyo mang mga lakad sa lumilipol ng mga hari.
[4] Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak; ni sa mga pangulo man, na magsabi, saan nandoon ang matapang na alak?
[5] Baka sila'y uminom, at makalimotan ang kautusan, at humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.
[6] Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw, at ng alak ang mapanglaw na loob.
[7] Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.
[8] Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi, sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.
[9] Bukhin mo ang iyong bibig, humatol ka ng katuwiran, at mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.
[10] Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.
[11] Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.
[12] Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.
[13] Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.
[14] Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.
[15] Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.
[16] Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.
[17] Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.
[18] Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.
[19] Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.
[20] Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.
[21] Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.
[22] Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.
[23] Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.
[24] Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.
[25] Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.
[26] Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.
[27] Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.
[28] Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:
[29] Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.
[30] Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.
[31] Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.