[1] Pagka ikaw ay nauupong kumain na kasalo ng isang pangulo, kilanlin mong maigi siya na nasa harap mo;
[1] ---
[2] At maglagay ka ng sundang sa iyong lalamunan, kung ikaw ay taong bigay sa pagkain.
[2] ---
[3] Huwag kang mapagnais ng kaniyang mga masarap na pagkain; yamang mga marayang pagkain.
[3] ---
[4] Huwag kang mainip sa pagyaman; tumigil ka sa iyong sariling karunungan.
[4] ---
[5] Iyo bang itititig ang iyong mga mata sa wala? Sapagka't ang mga kayamanan, ay tunay na nagsisipagpakpak, gaya ng aguila na lumilipad sa dakong langit.
[5] ---
[6] Huwag mong kanin ang tinapay niya na may masamang mata, ni nasain mo man ang kaniyang mga masarap na pagkain:
[6] ---
[7] Sapagka't kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya: kumain ka at uminom ka, sabi niya sa iyo; nguni't ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
[7] ---
[8] Ang subo na iyong kinain ay iyong isusuka, at iyong iwawala ang iyong mga matamis na salita.
[8] ---
[9] Huwag kang magsalita sa pakinig ng mangmang; sapagka't kaniyang hahamakin ang karunungan ng iyong mga salita.
[9] ---
[10] Huwag mong baguhin ang dating muhon ng lupa; at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila:
[10] ---
[11] Sapagka't ang kanilang Manunubos ay malakas; ipaglalaban niya ang kanilang usap sa iyo.
[11] ---
[12] Ihilig mo ang iyong puso sa turo, at ang iyong mga pakinig sa mga salita ng kaalaman.
[12] ---
[13] Huwag mong ipagkait ang saway sa bata: sapagka't kung iyong hampasin siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
[13] ---
[14] Iyong hahampasin siya ng pamalo, at ililigtas mo ang kaniyang kaluluwa sa Sheol.
[14] ---
[15] Anak ko, kung ang iyong puso ay magpakapantas, ang puso ko'y matutuwa sa makatuwid baga'y ang akin:
[15] ---
[16] Oo, ang aking puso ay magagalak pagka ang iyong mga labi ay nangagsasalita ng matuwid na mga bagay.
[16] ---
[17] Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan: kundi lumagay ka sa Panginoon buong araw:
[17] ---
[18] Sapagka't tunay na may kagantihan; at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
[18] ---
[19] Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakapantas, at patnubayan mo ang iyong puso sa daan.
[19] ---
[20] Huwag kang mapasama sa mga mapaglango; sa mga mayamong mangangain ng karne:
[20] ---
[21] Sapagka't ang manglalasing at ang mayamo ay darating sa karalitaan: at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi.
[21] ---
[22] Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y tumanda.
[22] ---
[23] Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili: Oo karunungan, at turo, at pag-uunawa.
[23] ---
[24] Ang ama ng matuwid ay magagalak na lubos: at siyang nagkaanak ng pantas na anak ay magagalak sa kaniya.
[24] ---
[25] Mangatuwa ang iyong ama at ang iyong ina, at magalak siyang nanganak sa iyo.
[25] ---
[26] Anak ko, ibigay mo sa akin ang iyong puso, at malugod ang iyong mga mata sa aking mga daan.
[26] ---
[27] Sapagka't ang isang patutot ay isang malalim na lubak; at ang babaing di kilala ay makipot na lungaw.
[27] ---
[28] Oo, siya'y bumabakay na parang tulisan, at nagdaragdag ng mga magdaraya sa gitna ng mga tao.
[28] ---
[29] Sinong may ay? sinong may kapanglawan? sinong may pakikipagtalo? sinong may daing? sino ang may sugat na walang kadahilanan? sino ang may maningas na mata?
[29] ---
[30] Silang nangaghihintay sa alak; silang nagsisiyaon upang humanap ng pinaghalong alak.
[30] ---
[31] Huwag kang tumingin sa alak pagka mapula, pagka nagbibigay ng kaniyang kulay sa saro,
[31] ---
[32] Sa huli ay kumakagat ito na parang ahas, at tumutukang parang ulupong.
[32] ---
[33] Ang iyong mga mata ay titingin ng mga katuwang bagay, at ang iyong puso ay nagbabadya ng mga magdarayang bagay.
[33] ---
[34] Oo, ikaw ay magiging parang nahihiga sa gitna ng dagat, o parang nahihiga sa dulo ng isang palo ng sasakyan.
[34] ---
[35] Kanilang pinalo ako, iyong sasalitain, at hindi ako nasaktan; kanilang hinampas ako, at hindi ko naramdaman: kailan gigising ako? aking hahanapin pa uli.