[1] Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang mga batis: kumikiling saan man niya ibigin.
[2] Bawa't lakad ng tao ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga puso.
[3] Gumawa ng kaganapan at kahatulan ay lalong kalugodlugod sa Panginoon kay sa hain.
[4] Ang mapagmataas na tingin, at ang palalong puso, siyang ilaw ng masama, ay kasalanan.
[5] Ang mga pagiisip ng masipag ay patungo sa kasaganaan lamang: nguni't bawa't nagmamadali ay sa pangangailangan lamang.
[6] Ang pagtatamo ng mga kayamanan sa pamamagitan ng sinungaling na dila ay singaw na tinatangay na paroo't parito noong nagsisihanap ng kamatayan.
[7] Ang pangdadahas ng masama ay siya ring papalis sa kanila; sapagka't sila'y nagsitangging magsigawa ng kahatulan.
[8] Ang lakad ng nagpapasan ng sala ay lubhang liko; nguni't tungkol sa malinis, ang kaniyang gawa ay matuwid.
[9] Lalong maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa palatalong babae sa maluwang na bahay.
[10] Ang kaluluwa ng masama ay nagnanasa ng kasamaan: ang kaniyang kapuwa ay hindi nakakasumpong ng lingap sa kaniyang mga mata.
[11] Pagka ang mangduduwahagi ay pinarusahan, ang musmos ay nagiging pantas: at pagka ang pantas ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
[12] Pinagninilay ng matuwid ang bahay ng masama, kung paanong napapahamak ang masama sa kanilang pagkapariwara.
[13] Ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing, nguni't hindi didinggin.
[14] Ang kaloob na lihim ay nagpapatahimik ng galit, at ang alay sa sinapupunan, ay ng malaking poot.
[15] Kagalakan sa matuwid ang gumawa ng kahatulan; nguni't kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan.
[16] Ang tao na gumagala sa labas ng daan ng kaunawaan, magpapahinga sa kapisanan ng patay.
[17] Ang umiibig ng kalayawan ay magiging dukha: ang umiibig sa alak at langis ay hindi yayaman.
[18] Ang masama ay isang katubusan para sa matuwid, at ang taksil ay sa lugar ng matuwid.
[19] Lalong maigi ang tumahan sa ilang na lupain, kay sa makisama sa palatalo at magagaliting babae.
[20] May mahalagang kayamanan at langis sa tahanan ng pantas; nguni't ito'y sinasakmal ng mangmang.
[21] Ang sumusunod sa katuwiran at kagandahang-loob nakakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
[22] Sinasampa ng pantas ang bayan ng makapangyarihan, at ibinabagsak ang lakas ng pagkakatiwala niyaon.
[23] Sinomang nagiingat ng kaniyang bibig at kaniyang dila nagiingat ng kaniyang kaluluwa mula sa mga kabagabagan.
[24] Ang palalo at mapagmataas na tao, manglilibak ang kaniyang pangalan, siya'y gumagawa sa kahambugan ng kapalaluan.
[25] Ang nasa ng tamad ay pumapatay sa kaniya; sapagka't tumatanggi ang kaniyang mga kamay sa paggawa.
[26] May nagiimbot sa kasakiman buong araw: nguni't ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagkakait.
[27] Ang hain ng masama ay karumaldumal: gaano pa nga, pagka kaniyang dinadala na may masamang isip!
[28] Ang sinungaling na saksi ay mamamatay: nguni't ang taong nakikinig ay magsasalita upang mamalagi.
[29] Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kaniyang mukha; nguni't tungkol sa taong matuwid, nagaayos ng kaniyang mga lakad.
[30] Walang karunungan, o kaunawaan man, O payo man laban sa Panginoon.
[31] Ang kabayo ay handa laban sa kaarawan ng pagbabaka: nguni't ang pagtatagumpay ay sa Panginoon.