[1] Bawa't pantas na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay: nguni't binubunot ng mangmang, ng kaniyang sariling mga kamay.
[2] Siyang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot sa Panginoon: nguni't siyang suwail sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa kaniya.
[3] Sa bibig ng mangmang ay may tungkod ng kapalaluan: nguni't ang mga labi ng pantas ay mangagiingat ng mga yaon.
[4] Kung saan walang baka, ang bangan ay malinis: nguni't ang karamihan ng bunga ay nasa kalakasan ng baka.
[5] Ang tapat na saksi ay hindi magbubulaan: nguni't ang sinungaling na saksi ay nagbabadya ng mga kasinungalingan.
[6] Ang manglilibak ay humahanap ng karunungan at walang nasusumpungan: nguni't ang kaalaman ay madali sa kaniya na naguunawa.
[7] Paroon ka sa harapan ng taong mangmang, at hindi mo mamamalas sa kaniya ang mga labi ng kaalaman:
[8] Ang karunungan ng mabait ay makaunawa ng kaniyang lakad: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay karayaan.
[9] Ang mangmang ay tumutuya sa sala: nguni't sa matuwid ay may mabuting kalooban.
[10] Nalalaman ng puso ang kaniyang sariling kapaitan; at ang tagaibang lupa ay hindi nakikialam ng kaniyang kagalakan.
[11] Ang bahay ng masama ay mababagsak: nguni't ang tolda ng matuwid ay mamumukadkad.
[12] May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.
[13] Maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw; at ang wakas ng kasayahan ay kabigatan ng loob.
[14] Ang tumatalikod ng kaniyang puso ay mabubusog ng kaniyang sariling mga lakad: at masisiyahang loob ang taong mabuti.
[15] Pinaniniwalaan ng musmos ang bawa't salita: nguni't ang mabait ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.
[16] Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan: nguni't ang mangmang ay nagpapakilalang palalo, at timawa.
[17] Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan: at ang taong may masamang katha ay ipagtatanim.
[18] Ang musmos ay nagmamana ng kamangmangan: nguni't ang mabait ay puputungan ng kaalaman.
[19] Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti; at ang masama ay sa mga pintuang-daan ng matuwid.
[20] Ipinagtatanim ang dukha maging ng kaniyang kapuwa: nguni't ang mayaman ay maraming kaibigan.
[21] Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala: nguni't siyang naaawa sa dukha ay mapalad siya.
[22] Hindi ba sila nagkakamali na kumakatha ng kasamaan? Nguni't kaawaan at katotohanan ay sasa kanila na nagsisikatha ng mabuti.
[23] Sa lahat ng gawain ay may pakinabang: nguni't ang tabil ng mga labi ay naghahatid sa karalitaan.
[24] Ang putong ng mga pantas ay ang kanilang mga kayamanan: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay kamangmangan lamang.
[25] Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga tao: nguni't siyang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay nagdaraya.
[26] Sa pagkatakot sa Panginoon ay may matibay na pagkakatiwala: at ang kaniyang mga anak ay magkakaroon ng dakong kanlungan.
[27] Ang pagkatakot sa Panginoon ay bukal ng kabuhayan, upang humiwalay sa mga silo ng kamatayan.
[28] Nasa karamihan ng bayan ang kaluwalhatian ng hari: nguni't na sa pangangailangan ng bayan ang kapahamakan ng pangulo.
[29] Siyang makupad sa pagkagalit ay may dakilang paguunawa: nguni't siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.
[30] Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan: nguni't ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.
[31] Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya. Nguni't siyang naaawa sa mapagkailangan ay nagpaparangal sa kaniya.
[32] Ang masama ay manahagis sa kaniyang masamang gawa: nguni't ang matuwid ay may kanlungan sa kaniyang kamatayan.
[33] Karunungan ay nagpapahinga sa puso niya na may paguunawa: nguni't ang nasa loob ng mga mangmang ay nalalaman.
[34] Ang katuwiran ay nagbubunyi ng bansa: nguni't ang kasalanan ay kakutyaan sa alinmang bayan.
[35] Ang lingap ng hari ay sa lingkod na gumagawa na may kapantasan: nguni't ang kaniyang poot ay magiging laban sa nakahihiya.