[1]  Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi,

[1]  ---

[2]  Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman?

[2]  ---

[3]  Bigkisan mo ngayon ang iyong mga balakang na parang lalake: sapagka't tatanungin kita at magpapahayag ka sa akin.

[3]  ---

[4]  Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Ipahayag mo, kung mayroon kang unawa.

[4]  ---

[5]  Sinong naglagay ng mga sukat niyaon, kung iyong nalalaman? O sinong nagunat ng panukat diyan?

[5]  ---

[6]  Sa ano nalagay ang kaniyang mga patibayan? O sinong naglagay ng batong panulok niyaon;

[6]  ---

[7]  Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan?

[7]  ---

[8]  O sinong nagsara ng mga pinto sa dagat, nang magpumiglas na gaya ng pagpiglas mula sa bahay-bata?

[8]  ---

[9]  Nang gawin ko ang alapaap na bihisan niyaon, at ang salimuot na kadiliman na pinakabalot niyaon,

[9]  ---

[10]  At aking itinatag doon ang aking pasiya, at nilagyan ko ng mga halang at mga pinto,

[10]  ---

[11]  At aking sinabi, Hanggang dito ay darating ka, nguni't hindi ka na lalagpas: at dito'y titigil ang iyong mga palalong alon?

[11]  ---

[12]  Nagutos ka ba sa umaga mula sa iyong mga kaarawan, at ipinabatid mo ba sa bukang liwayway ang kaniyang dako;

[12]  ---

[13]  Upang humawak sa mga wakas ng lupa, at ang masasama ay maugoy doon?

[13]  ---

[14]  Nababagong parang putik sa ilalim ng tatak; at lahat ng mga bagay ay nagiging gaya ng bihisan:

[14]  ---

[15]  At sa masama ay inalis ang kanilang liwanag, at ang mataas na kamay ay mababali.

[15]  ---

[16]  Pumasok ka ba sa mga bukal ng dagat? O lumakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?

[16]  ---

[17]  Nangahayag ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan? O nakita mo ba ang mga pinto ng anino ng kamatayan?

[17]  ---

[18]  Iyo bang nabatid ang kaluwangan ng lupa? Ipahayag mo, kung iyong nalalamang lahat.

[18]  ---

[19]  Saan nandoon ang daan na patungo sa tahanan ng liwanag, at tungkol sa kadiliman, saan nandoon ang dako niyaon;

[19]  ---

[20]  Upang iyong madala sa hangganan niyaon, at upang iyong gunitain ang mga landas hanggang sa bahay niyaon?

[20]  ---

[21]  Marahil nalalaman mo, sapagka't ikaw nga'y ipinanganak noon, at ang bilang ng iyong mga kaarawan ay marami?

[21]  ---

[22]  Pumasok ka ba sa mga tipunan ng nieve, o nakita mo ba ang mga tipunan ng granizo,

[22]  ---

[23]  Na aking itinaan laban sa panahon ng kabagabagan, laban sa kaarawan ng pagbabaka at pagdidigma?

[23]  ---

[24]  Sa aling daan naghiwalay ang liwanag, o sa hanging silanganan na lumalaganap sa ibabaw ng lupa?

[24]  ---

[25]  Sinong humukay ng bangbang sa mga bugso ng tubig, o ng daanan ng kidlat ng kulog;

[25]  ---

[26]  Upang magpaulan sa lupa, na hindi tinatahanan ng tao, sa ilang na doon ay walang tao.

[26]  ---

[27]  Upang busugin ang giba at sirang lupa; at upang pasibulin ang sariwang damo?

[27]  ---

[28]  May ama ba ang ulan? O sinong nanganak sa mga patak ng hamog?

[28]  ---

[29]  Sa kaninong bahay-bata nagmula ang hielo? At ang escarcha sa himpapawid, ay ipinanganak nino?

[29]  ---

[30]  Ang mga tubig ay nakukubling gaya ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay namumuno.

[30]  ---

[31]  Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin na Pleyade, o makakalagan ang tali ng mga bituin na Orion?

[31]  ---

[32]  Mailalabas mo ba ang mga bituin na mga tanda ng Zodiaco sa kanilang kapanahunan? O mapapatnubayan mo ba ang Oso na kasama ng kaniyang mga anak?

[32]  ---

[33]  Nalalaman mo ba ang mga alituntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa?

[33]  ---

[34]  Mailalakas mo ba ang iyong tinig hanggang sa mga alapaap, upang takpan ka ng saganang tubig?

[34]  ---

[35]  Makapagsusugo ka ba ng mga kidlat, upang magsiyaon, at magsabi sa iyo: Nangarito kami?

[35]  ---

[36]  Sinong naglagay ng karunungan sa mga pinakaloob na bahagi? O sinong nagbigay ng kaalaman sa pagiisip?

[36]  ---

[37]  Sinong makabibilang ng mga alapaap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makatutuyo ng mga botelya ng langit,

[37]  ---

[38]  Pagka ang alabok ay napuputik, at ang mga bugal ay nanganinikit na maigi?

[38]  ---

[39]  Huhuli ka ba ng mahuhuli na ukol sa leong babae? O bubusugin mo baga ang kagutoman ng mga batang leon,

[39]  ---

[40]  Pagka sila'y nagsisihilig sa kanilang mga lungga, at nagsisitahan sa guwang upang bumakay?

[40]  ---

[41]  Sinong naghahanda sa uwak ng pagkain niya, pagka ang kaniyang mga inakay ay nagsisidaing sa Dios, at nagsisigala sa kakulangan ng pagkain.

[41]  ---