[1] At muling ipinagbadya ni Job ang kaniyang talinghaga, at nagsabi,
[2] Oh ako nawa'y napasa mga buwan noong dakong una, gaya noong mga kaarawan ng binabantayan ako ng Dios;
[3] Nang ang kaniyang ilawan ay sumisilang sa aking ulo at sa pamamagitan ng kaniyang liwanag ay lumalakad ako sa kadiliman;
[4] Gaya noong ako'y nasa kabutihan ng aking mga kaarawan, noong ang pagkasi ng Dios ay nasa aking tolda;
[5] Noong ang Makapangyarihan sa lahat ay sumasaakin pa, at ang aking mga anak ay nangasa palibot ko;
[6] Noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas, at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng mga ilog ng langis!
[7] Noong ako'y lumalabas sa pintuang-bayan hanggang sa bayan, noong aking inihahanda ang aking upuan sa lansangan,
[8] Nakikita ako ng mga binata, at nagsisipagkubli, at ang mga matanda ay nagsisitindig at nagsisitayo:
[9] Ang mga pangulo ay nagpipigil ng pangungusap, at inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig;
[10] Ang tinig ng mga mahal na tao ay tumatahimik, at ang kanilang dila ay dumidikit sa ngalangala ng kanilang bibig.
[11] Sapagka't pagka naririnig ako ng pakinig, ay pinagpapala nga ako; at pagka nakikita ako ng mata, ay sumasaksi sa akin:
[12] Sapagka't aking iniligtas ang dukha na dumadaing, ang ulila rin naman na walang tumutulong sa kaniya.
[13] Ang basbas ng malapit nang mamamatay ay sumaakin: at aking pinaawit sa kagalakan ang puso ng babaing bao.
[14] Ako'y nagbibihis ng katuwiran, at sinusuutan niya ako: ang aking kaganapan ay parang isang balabal at isang diadema.
[15] Ako'y naging mga mata sa bulag, at naging mga paa ako sa pilay.
[16] Ako'y naging ama sa mapagkailangan; at ang usap niyaong hindi ko nakikilala ay aking sinisiyasat.
[17] At aking binali ang mga pangil ng liko, at inagaw ko ang huli sa kaniyang mga ngipin.
[18] Nang magkagayo'y sinabi ko, mamamatay ako sa aking pugad, at aking pararamihin ang aking mga kaarawan na gaya ng buhangin:
[19] Ang aking ugat ay nakalat sa tubig, at ang hamog ay lumalapag buong gabi sa aking sanga:
[20] Ang aking kaluwalhatian ay sariwa sa akin, at ang aking busog ay nababago sa aking kamay.
[21] Sa akin ay nangakikinig ang mga tao, at nangaghihintay, at nagsisitahimik sa aking payo.
[22] Pagkatapos ng aking mga salita ay hindi na sila nagsasalita pa uli; at ang aking pananalita ay tumutulo sa kanila.
[23] At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan, at kanilang ibinubuka ang kanilang bibig na maluwang na gaya sa huling ulan.
[24] Ako'y ngumingiti sa kanila pagka sila'y hindi nanganiniwala: at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila hinahamak.
[25] Ako'y namimili sa kanilang daan, at nauupong gaya ng puno, at tumatahang gaya ng hari sa hukbo, gaya ng nangaaliw sa nananangis.