[1] Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
[2] Magpahanggang ngayo'y mapanghimagsik ang aking daing: ang bugbog sa akin ay lalong mabigat kaysa aking hibik.
[3] Oh mano nawang maalaman ko kung saan ko masusumpungan siya, upang ako'y dumating hanggang sa kaniyang likmuan!
[4] Aking aayusin ang aking usap sa harap niya, at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
[5] Aking malalaman ang mga salita na kaniyang isasagot sa akin, at matatalastas ko kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin.
[6] Makikipagtalo ba siya sa akin sa kalakhan ng kaniyang kapangyarihan? Hindi; kundi pakikinggan niya ako.
[7] Doo'y makapangangatuwiran sa kaniya ang matuwid; sa gayo'y maliligtas ako magpakailan man sa aking hukom.
[8] Narito, ako'y nagpapatuloy, nguni't wala siya; at sa dakong likuran, nguni't hindi ko siya mamataan:
[9] Sa kaliwa pagka siya'y gumagawa, nguni't hindi ko mamasdan siya: siya'y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita siya.
[10] Nguni't nalalaman niya ang daang aking nilalakaran; pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto.
[11] Ang aking paa ay sumunod na lubos sa kaniyang mga hakbang. Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
[12] Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.
[13] Nguni't siya'y sa isang akala, at sinong makapagpapabalik sa kaniya? At kung ano ang ninanasa ng kaniyang kaluluwa siya nga niyang ginagawa.
[14] Sapagka't kaniyang isinasagawa ang itinakda sa akin: at maraming gayong mga bagay ang nasa kaniya.
[15] Kaya't ako'y nababagabag sa kaniyang harapan; pagka aking binubulay, ay natatakot ako sa kaniya.
[16] Dahil sa pinapanglupaypay ng Dios ang aking puso, at binagabag ako ng Makapangyarihan sa lahat:
[17] Sapagka't hindi ako inihiwalay sa harap ng kadiliman, ni tinakpan man niya ang salimuot na kadiliman sa aking mukha.