[1]  Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

[1]  ---

[2]  Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios? Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.

[2]  ---

[3]  May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid? O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?

[3]  ---

[4]  Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka, na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?

[4]  ---

[5]  Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.

[5]  ---

[6]  Sapagka't ikaw ay kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala, at iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.

[6]  ---

[7]  Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.

[7]  ---

[8]  Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa; at ang marangal na tao, ay tumatahan doon.

[8]  ---

[9]  Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao, at ang mga kamay ng ulila ay nangabali.

[9]  ---

[10]  Kaya't ang mga silo ay nangasa palibot mo, at biglang takot ay bumabagabag sa iyo,

[10]  ---

[11]  O kadiliman, upang huwag kang makakita. At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.

[11]  ---

[12]  Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit? At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!

[12]  ---

[13]  At iyong sinasabi, Anong nalalaman ng Dios? Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?

[13]  ---

[14]  Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita; at siya'y lumalakad sa balantok ng langit.

[14]  ---

[15]  Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan, na nilakaran ng mga masamang tao?

[15]  ---

[16]  Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan. Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:

[16]  ---

[17]  Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin; at, anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?

[17]  ---

[18]  Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay; nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.

[18]  ---

[19]  Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa; at tinatawanang mainam ng walang sala:

[19]  ---

[20]  Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay, at ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.

[20]  ---

[21]  Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa: anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.

[21]  ---

[22]  Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig, at ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.

[22]  ---

[23]  Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka; kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.

[23]  ---

[24]  At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok, at ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:

[24]  ---

[25]  At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan, at mahalagang pilak sa iyo.

[25]  ---

[26]  Sapagka't ikaw ay magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat, at iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.

[26]  ---

[27]  Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka: at iyong babayaran ang iyong mga panata.

[27]  ---

[28]  Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.

[28]  ---

[29]  Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas; at ililigtas niya ang mapagpakumbabang tao.

[29]  ---

[30]  Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal: Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.

[30]  ---