[1] Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,
[2] Hanggang kailan magsasalita ka ng mga bagay na ito? At hanggang kailan magiging gaya ng makapangyarihang hangin ang mga salita ng iyong bibig?
[3] Nagliliko ba ng kahatulan ang Dios? O nagliliko ba ang Makapangyarihan sa lahat ng kaganapan?
[4] Kung ang iyong mga anak ay nangagkasala laban sa kaniya, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng kanilang pagkasalangsang:
[5] Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat;
[6] Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo'y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran.
[7] At bagaman ang iyong pasimula ay maliit, gayon ma'y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam.
[8] Sapagka't ikaw ay magsisiyasat, isinasamo ko sa iyo, sa unang panahon, at pasiyahan mo ang sinaliksik ng kanilang mga magulang:
[9] (Sapagka't tayo'y kahapon lamang, at walang nalalaman, sapagka't ang ating mga kaarawan sa lupa ay anino:)
[10] Hindi ka ba nila tuturuan, at sasaysayin sa iyo, at mangagsasalita ng mga salita mula sa kanilang puso?
[11] Makatataas ba ang yantok ng walang putik? Tutubo ba ang tambo ng walang tubig?
[12] Samantalang nasa kasariwaan, at hindi pinuputol, natutuyong una kay sa alin mang damo.
[13] Gayon ang mga landas ng lahat na nagsisilimot sa Dios; at ang pagasa ng di banal ay mawawala:
[14] Na ang kaniyang pagtitiwala ay mapaparam, at ang kaniyang tiwala ay isang bahay gagamba.
[15] Siya'y sasandal sa kaniyang bahay, nguni't hindi tatayo; siya'y pipigil na mahigpit dito, nguni't hindi makapagmamatigas.
[16] Siya'y sariwa sa harap ng araw, at ang kaniyang mga suwi ay sumisibol sa kaniyang halamanan.
[17] Ang kaniyang mga ugat ay nagkakapitan sa palibot ng bunton, kaniyang minamasdan ang dako ng mga bato.
[18] Kung siya'y magiba sa kaniyang dako, kung magkagayo'y itatakuwil niya siya, na sinasabi: Hindi kita nakita.
[19] Narito, ito ang kagalakan ng kaniyang lakad, at mula sa lupa ay sisibol ang mga iba.
[20] Narito, hindi itatakuwil ng Dios ang sakdal na tao, ni aalalayan man niya ang mga manggagawa ng kasamaan.
[21] Kaniya namang pupunuin ang iyong bibig ng pagtawa, at ang iyong mga labi ng paghiyaw.
[22] Silang nangapopoot sa iyo ay mabibihisan ng pagkahiya; at ang tolda ng masama ay mawawala.